Ako’y tagahanga nang maraming artists
Ang gawain nila ay kaakit-akit;
Kung sila ay wala sa ating daigdig
Itong ating mundo tiwangwang at panis!
Mga mang-aawit ay kahanga-hanga
Sila’y sumisikat na parang buntala;
Inaawit nila’y sa puso nagmula –
Sa radio at TV sila ay bathala!
Ang ibang artista’y nasa puting-tabing
Kanilang pag-arte lubhang makasining
Mga kilos nila’t tinig na malambing
Itong sambayanan ay aliw na aliw!
Mga musikero’y iba ang diskarte
Sila ay composer nota’y tinatahi;
Bawa’t nota nila ay may sinasabi
sa dancer at singer sila ay may parte!
At may artist naman sa ibang larangan
Sila’y gumagamit iba’t ibang kulay;
Sila’y mga pintor na ang kakayahan –
Lahat ng maganda’y naiilarawan!
Maliit na bahay malalaking building
Mga artist nito tawag ay designers;
Ang disenyo nila ay mahal kung bilhin
Pagka’t bawa’t design may ibig sabihin!
At may mga artist tawag ay eskultor
Inuuka nila ay bato at kahoy;
Trabahong natapos tiyak kang iirog
Kung ganda ni Venus ang kanyang nalilok!
Ang mga makata’y anak din ng sining
Na ang sinusulat ay tulang malalim;
Sila ay artistang mahirap arukin –
Kapag bumibigkas – Balagtas ang dating!
Ang mga abyador naiibang artist
Pagka’t buhay nila malapit sa langit;
Malalayong bansa kanyang nasasapit
Sa bahagyang trouble buhay nanganganib!
Mga manunulat, editor, publisher
Isama pa rito lahat ng reporter;
Sila’y pambihira na anak ng sining –
Ang sandata nila’y panulat at papel!