NAGSALITA na si US President Barack Obama. Ibi- veto niya o di aaprobahan ang panukala ng Palestine sa United Nations na kilalanin ito bilang malayang estado sa loob ng Israel.
Naisulat ko kamakailan sa kolum na ito ang apela ng mga Christian leaders sa pangunguna ni Bro. Eddie Villanueva kay Presidente Noynoy na bumoto ng “no” kapag naiharap na sa UN Security Council ang resolusyon. Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo na ang Israel ang bayang hinirang ng Diyos at pook na sinila-ngan ng ating Panginoong Hesus. Kaya pinaniniwalaan na ang paghahari ng mga Palestinong Muslim sa Israel ay taliwas sa plano at kalooban ng Diyos.
May diplomasya ang pahayag ni Obama. Habang sumusuporta siya sa hindi pagkakahati ng Israel, inihayag niya na ito’y dapat lang mangyari sa pamamagitan ng pag-uusap ng Israel at mga Palestino. Alam nating bagay itong walang kahahantungang positibo para sa mga Palestino.
Sabi ni US Secretary of State Hillary Clinton: “We continue to believe and are pressing the point that the only way to a two-state solution, which is what we support and want to see happen, is through negotiations.”
Sabi naman ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, payag siyang makipag-usap sa Presidenteng Palestino sa New York kaugnay ng issue. Pero sa tingin ba ninyo’y papayag si Netanyahu sa gusto ng Palestine na magtatag ng malayang bansa sa teritoryo ng Israel? Sa buong daigdig, dominante pa rin ang Kristianismo bagamat hati sa iba’t ibang sekta. Kinikilala ang Israel na sentro ng pananampalataya bagamat ang relihiyon dito ay Judaismo.
Ang problema ng Israel at Palestine ay kahawig ng problema ng Mindanao at mga Bangsa Moro na gusto ring mag tatag ng malayang republika sa rehiyon, bagay na tinututulan ng maraming Pilipino kaya hangga ngayo’y magulo pa rin doon at walang kapayapaan.
Palagay ko rin, kahit mga Muslim na nasa katinuan ang isip ay hindi papabor sa paghahati ng rehiyong ito. Lalu pa’t may nagkakaisang kampanya ang mga bansa laban sa terorismo, paano pagbibigyan ang resolusyon ng mga taong naghahasik ng lagim? Nang ibigay sa mga Palestino ang Gaza strip ilang taon na ang nakalilipas, sunud-sunod na pambobomba ng missiles ang ginawa ng mga Palestino sa Israel. Isipin na lang na kapag naging bansa ang Palestino sa loob ng Israel, magiging maliit na lang ang Israel at kayang-kayang durugin ng puwersang Palestino.