Madyik, o minadyik na lang?

PAANO nawala ang 203 sasakyan na dapat binabantayan kung saan napupunta? Siguro tanungin na rin kung paano nawala ang libong container vans na dapat papuntang pantalan ng Batangas, pero hindi dumating! Madyik, o minadyik? Pinapayagan ang mga nagnenegosyo sa Subic, (locators kung tawagin) na magpasok ng mga gamit na sasakyan nang hindi binabayaran ang buwis, basta sa loob lang ng Subic gagamitin. Kung sakaling kailangang gamitin sa labas ng Freeport Zone, kailangang ipaalam, at may hangganan lamang ng dalawang linggo. Pagkalipas ng oras na iyon, dapat binabalik na ang sasakyan sa loob ng Subic. Kung gusto namang bilhin na lang, kailangan bayaran ang kinaukulang buwis. Malinaw naman, di ba?

Ang problema, hindi na bumabalik ang mga sasakyan sa Subic kapag nakalabas na. Pinapaalam lumabas, pero tuluyan nang nawawala, nang hindi bayad ang buwis! At ang isa pang problema, tila hindi naman hinahanap ng namamahala sa Subic! Ngayon lang nalantad ang ganitong sistema sa Freeport Zone nang magkaroon ng bagong district collector. Kung pupuntahan naman yung “locator” naa nagpasok ng sasakyan, aba’y wala na pala sa Subic at nagsara na! At paano naman nakapagsara iyan, nang hindi siniyasat ng Subic ang lahat ng dokumento bago magsara? Basta’t nag-impake na lang ba ng kagamitan at nagsara na lang? Magaling!

Hindi ito ang unang beses na malalagay sa balita ang Subic hinggil sa mga iligal na pasok na sasakyan. Natatandaan ninyo yung pagdurog sa mga mamahaling sasakyan na iniwan na lamang dahil hindi nagawan ng paraang mailabas na walang binabayarang buwis? Kaya dinurog na lang noong panahon ng administrasyon ni Arroyo. Pero ang tanong, nakasuhan ba ang mga nagpasok ng mga sasakyan? Baka naman kaya dinurog na lang yung mga sasakyan ay para hindi na sa mga nagpasok ng mga sasakyan ang atensyon ng lahat? Dahil may kaalyadong malakas sa gobyerno? Malamang.

Katulad na lang ng container vans. Siguradong may malakas na kilala sa kasalukuyang gobyerno ang may-ari ng container vans, na nawala sa ilalim ng administrasyong Aquino, sa ilalim ng pamumuno ni dating Customs commissioner Angelito Alvarez. Hanggang nga­yon, wala pang malinaw na paliwanag kung bakit nawala, paano nawala, at kung nasaan ang mga nasabing container vans. Sino naman kaya yung malakas sa kasalukuyang gobyernong iyon? O baka naman nagpaulan na lang ng pera sa lahat ng may kinaukulan sa paggalaw nung mga container vans, at winala na lang! Ang suma total niyan, may mga nasa likod na malalakas na tao ang pagkawala ng mga bagay na ito, kung saan nawalan ng malaking pagkukunan sana ng pondo ang gobyerno. Pero lahat ng krimen ay may naiiwang dumi, na maaamoy ng sinumang masiya- sat at pursigidong maghanap ng sagot. Sigurado mahahanap ang mga nawalang bagay, kung hahanapin talaga!

Show comments