NAPAG-USAPAN namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang entrepreneurial training program para sa overseas Filipino workers (OFWs) na isinusulong ng Department of Trade and Industry, Department of Labor and Employment at Philippine Trade Training Center. At dahil dito, dumadami ang OFWs, dating OFWs at kanilang pamilya na pumapasok sa pagnenegosyo.
Ang mga pangunahing paksa na nilalaman ng training ay tungkol sa “how to start a business; understanding the business cycle; market supply and demand; preparing the business plan; at effective selling.” Kabilang din ang mga pamamaraan sa pag-manage ng negosyo gayundin ang pag-loan ng dagdag na kapital. Target-beneficiaries ng nasabing programa ang mga pamilya ng humigit-kumulang na dalawang milyong OFWs sa kasalukuyan, gayundin ang dating OFWs.
Ang nasabing hakbangin ay umusbong sa inilabas na pag-aaral ng Asian Development Bank kamakailan hinggil sa napakalaking potensiyal na kapasidad ng OFW remittances sa pagtataguyod ng ekonomiya ng bansa basta’t mabibigyan lang ito ng sapat na suporta ng pamahalaan.
Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na umabot sa $18.8 bilyon ang kabuuang remittance ng OFWs noong 2010. Katumbas na ito ng 10 porsiyento ng gross domestic product ng bansa. Sinabi rin ng BSP na patuloy na tumataas ang bilang ng OFWs at OFW families na nag-i-invest ng remittance money at nagpupundar ng negosyo.
Ayon kay Jinggoy, positibo ang naturang hakbangin ng pamahalaan. Iginiit din niya ang kahalagahan ng pagsasanib-puwersa ng pamahalaan, mga banko at pribadong grupo sa pagbibigay ng special investments and business package para sa mga OFW at kanilang pamilya.
* * *
Birthday greetings kina dating Senator Ernesto “Boy” Herrera (September 11) at dating Education Secretary Jesli Lapus (September 12).