MAHIRAP ang katayuan ngayon ni bagong Philippine National Police (PNP) chief Deputy Director Nicanor Bartolome. Maraming ini-expect sa kanya ang mamamayan lalo pa’t ngayon ay sunud-sunod ang masasamang ginagawa ng mga pulis. Mara-ming pulis ang sangkot sa kung anu-anong krimen, katiwalian, pangto-torture, pangsasalvage, pangi-ngidnap, panghuhulidap, carjacking at drug trafficking. Isama na rin ang ginagawang hazing sa mga police trainee na nakunan ng video habang pinakakain ng sili. Ang malaking katanungan ay kung kayang basagin ni Bartolome ang mga “bugok na itlog” sa PNP. Marami nang naging hepe ng PNP pero wala ni isa man sa mga ito ang nakabasag sa mga “bugok”. Nakakatakot na ang mga mabubuting itlog sa PNP ay mahawa na rin ng mga bugok. Huwag naman sana sapagkat kawawa ang mamamayan.
Kahapon isinagawa ang turnover ceremonies sa Camp Crame. Pinalitan ni Bartolome si Deputy Director Raul Bacalzo. Nangako si Bartolome ng mga pagbabago sa PNP. Siya raw ang ‘‘pulis ng taumbayan’’. Hindi umano niya bibiguin ang mamamayan. Handa siyang maglingkod.
Madali lang namang magsalita ukol sa mga gagawing pagbabago sa PNP at sana ay hindi ganyan ang mangyari habang si Bartolome ang hepe. Ang inaasahan ng taumbayan ay ang aksiyon. Gusto nilang makita na gumagalaw ang PNP para sila maprotektahan. Sa mga nakaraang hepe, madalas nilang sabihin na handa ang PNP na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan. Pero kabaliktaran ang nangyayari sapagkat ang mga pulis pa mismo ang gumagawa ng masama. May mga pulis na sangkot sa hulidap. Sa halip na protektahan ang mamamayan, sila pa ang gumagawa ng masama. At ang bunga nito ay ang pagkawala ng tiwala ng mamamayan sa mga pulis. Karaniwang ang mga gumagawa ng masama ay ang may mga ranggong PO1 at PO2. Mga bagitong pulis pero sanay na sanay na sa masamang gawain. Litung-lito ang mamamayan kung sino nga ba ang lalapitan sa oras ng kagipitan. Hindi kaya ang malapitan nila ay pulis na kawatan?
Mahirap ang katayuan ni Bartolome ngayon. Dapat niyang pagsikapan na maibangon ang maruming imahe ng PNP. Alisin niya ang imaheng nakalubog sa putikan dahil sa anomalya. Pagsikapang alisin ang mga “bugok” para hindi mahawa ang mga mabubuti at tapat na pulis.