WILDERNESS ang dating ng mahal nating bansa nitong nakalipas na ilang araw. Ang top international news tungkol sa Pilipinas ay ang pagkahuli sa Bunawan, Agusan nang pinakamalaking buwaya sa mundo? Ano na kaya ang iisipin ng mga dayuhan tungkol sa atin – na ang Pilipinas ay isang malaking sapa?
Kung sabagay, hindi ito nalalayo sa katotohanan. Sa mga kaganapan nitong nakaraang linggo, malinaw na hindi lamang ang buwaya ng Bunawan ang hayop sa ating piling. Mayroon pang mas masahol.
Exhibit “A”: Kongresistang gumulpi sa sikyo. Muling nasinagan ng publiko ang husay sa pagmamalabis nitong si Cong. Mohammed Hussein Pangandaman ng Lanao del Sur nang mambugbog daw ito ng security guard ng UP Technopark. Dati na itong sumikat sa insidente sa Valley Golf kung saan may naka-enkuwentro itong kapwa mainitin ang ulo sa golf course. “Banned for life” nga si Cong. sa Valley Golf. Tulad sa Technopark, may kasama rin ito noong mga bodyguard. Baka dito nanggagaling ang lakas ng loob ni Cong. na isipin na siya’y “above the law”. Iimbestigahan pa ng House ang insidente.
Exhibit “B”: Motorista, nambaril ng MMDA Traffic Enforcer. Nang dahil sa coding, ang nahuling motorista na si Edward John Gonzales ay walang pakundangang binaril daw ng apat na beses, close range, ang MMDA traffic enforcer. Wow! Talaga namang wild wild west. Daig pa ang mga outlaw na hinahabol ng mga sheriff noong panahon ng mga cowboy. Noong panahon na iyon, kung may isyu ka, dinadaan talaga sa barilan. Kung sino ang malakas, siya ang winner. Kalimutan na ang katwiran. Ngayon, ang baril ay pinalitan ng batas. At ang batas ang dapat manaig. Yun ang plano.
Kung bakit sumasadsad tayong muli sa kultura ng matira ang matibay ay hindi ko na malaman. Ang mga kasong ito ay dalawa lamang sa katakut-takot na insidente ng karahasan sa ating pang-araw araw na realidad. Tuwing nangyayari ang ganitong kawalanghiyaan ay hindi la mang ang minaltrato ang siyang biktima. Buong lipunan ang naaapektuhan at nakakawawa dahil kapag pinagsama-sama ang lahat ay nagiging badya ng malawakang breakdown sa ating seguridad at katahimikan.
Tuwid na daan? Eh paano kung matuwid nga pero hindi naman ligtas?