Killing me softly

AYON sa Pilipinas Shell Petroleum, ginawa nilang yugtu-yugto o staggered ang pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo. Dalawang beses sa isang linggo, makakaasa tayo ng announcement ng price increase. Hayy! Pinapatay ang tao nang unti-unti.

Katuwiran ng Shell, layunin nito na “palambutin” ang epekto ng price hike. Ano bang pagkakaiba ng biglaan sa dahan-dahan? Mas masakit pa nga yung unti-unti kang sinasakal eh. Hindi umano maiiwasan ang pagtataas sa presyo ng petrolyo dahil sa pagtaas sa halaga ng krudo sa pandaigdig na merkado at foreign exchange. Umaalma na nga ang transport sector at nagbabantang maglulunsad ng pambansang welga. Kaso ilang taon na nating naririnig ang mga ganyang banta pero hindi pa rin matinag-tinag ang kartel ng mga dambuhalang kompanya ng petrolyo.

Sa munti kong pagkakaalam, lumalakas ang ating piso kumpara sa dolyar at nasa P42 na lamang ang halaga ng isang dollar. Dapat sana mag-reflect ito sa presyo ng mga inaangkat na kalakal kasama na ang krudo. Pero sa halip na bumaba ang presyo ay lalung tumataas. Kunwari ay magbababa ng presyo ang mga kompanya ng langis pero ilang araw lang ay tataas na naman. Sabi nga sa Inggles, one step backward, two steps forward. Grabe.

Sabi ng mga nasa transport sector, nasa nueve pesos ang overprice ng mga kompanya ng langis sa presyo ng petrolyo. Ang masaklap, pati halaga ng LRT, MRT ay nagbabadya nang tumaas ano mang oras. Hindi lang iyan. Magpapataw ng mas mataas na VAT sa mga expressways kaya tiyak apektado ang halaga ng transportasyon. Sa kabila ng pagtutol ng Senado sa hearing kamakailan, tila wala nang makapipigil sa pagariba sa halaga ng MRT at LRT. Nagpahayag na ng suporta si Presidente sa fare hike na ito.

Sinasabi na ang presyo ng petrolyo pati na kuryente sa ating bansa ay pinakamata-as na sa Asia. Nananawagan ang mga Obispong Katoliko kay Presidente Aquino na ma­magitan na para mapigil ang mga pagtataas na ito pati na sa halaga ng mga singilin sa pamahalaan. May diprens­ya sa sistema. Masyadong nadidiin yung mga mahihirap. Mga mararalitang dapat makatikim ng ginhawa sa kanilang kabuhayan.

Ang kaso, sa harap ng pagtataas sa presyo ng pe­trolyo, mga paninda, kuryen-te at tubig, isang bagay na lang ang ayaw tumaas. Ito ang suweldo ng mga manggagawa na hindi makaakma sa standard of living. Sana naman ay makabalangkas ang gobyerno natin ng sistemang mag-aahon sa mga mahihirap sa dinaranas na kahirapan.

Show comments