NAKATUTUWA ang ipinakitang gilas ni Bgy. Manuyo Dos Chairman Gil Galvez at SAMAHAI home owner president Isaac Eugenio ng ilunsad ang “Tapat Ko Linis Ko” upang mahadlangan ang pagkalat ng lamok sa kanilang barangay. Itoy matapos na pangunahan ang paglilinis sa mga baradong kanal at ang pamumulot ng mga basura sa kapaligiran ng Green Valley Compound at Gatchalian Subdivision. Maraming basta na lamang itinatapon ang kanilang basura kaya may mga lamok.
Magandang halimbawa ito na dapat tularan ng lahat ng mga chairman at home owner president para hindi matulad sa sinapit ng Quezon City kung saan maraming naospital dahil sa dengue at may mga namatay. Kung sabagay tinitingala sa ngayon ang Las Piñas dahil kahit na kapiranggot lamang ang kanilang budget ay nairaraos naman nila ang kahirapan at napapanatiling malusog ang mga mamamayan. Dahil ‘yan sa kasipagan at kahandaan ni Mayor Virgil “Nene” Aguilar. Pinanatili kasi ni Aguilar ang kalinisan sa kanyang lungsod at mahigpit na pinaiiral ang peace in order kayat nanatili itong grand slam sa “Clean in Green Project” sa lahat ng lungsod sa Metro Manila.
Pinakamababa ang naitalang krimen sa Las Pinas dahil sa kasipagan at katapatan sa serbisyo ng kanilang chief of police na si Senior Supt. Romulo Sapitula. At sa katunayan nanalo ang Manuyo Dos bilang pangunahing Lupon Tagapamayapa na iginawad ng Department of Interior of Local Government kamakailan. Ito ang bunga ng magandang programa ng barangay at police para mahadlangan ang kriminalidad. Maging ang Parole and Probation Office ng Las Piñas City ay nagustuhang maging kabahagi ng kanilang proyekto ang Manuyo Dos sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punongkahoy sa mga tabing ilog.
Pinangunahan ni PPO head Mr. Franklin Catabian at PPO officer Mrs. Suzette Quilat ang pagtanim ng punong bayabas sa kapaligiran ng basketball court sa Phase 7B sinundan naman ito nina chairman Galvez at home owner president Eugenio ng pagtatanim ng puno sa gilid ng Estero de Villanueva upang mapigilan ang pagguho ng pader at magsilbing tabing sa masangsang na amoy ng ilog. Ang lahat ng pagbabago ng Manuyo Dos ay sinuportahan din ng iba’t ibang organization katulad nina GOTDA president Bobby Sicangco, Youth Council Michael Jhon Eugenio, PANSSO-Anti-Crime Group Ivy Mercado, SAMAHAI vice president Eduardo Taberna, PCP-8 chief Mailon, residente ng Phase 7B at ako.