Joint oil survey ulit sa China

LUBOS sanang aminin ng Pilipinas at Tsina kung ano na naman itong balaking “joint oil exploration” sa “disputed waters” ng South China Sea. Kasi kung maging malihim sila, paghihinalaan itong pagbuhay sa kataksilang Joint Marine Seismic Understanding tulad noong 2005.

Konting impormasyon pa lang ang lumalabas sa ngayon. Ani Trade Undersecretary Cristino Panlilio, gagasta ng $1 bilyon ang state-owned Sino Petroleum Co. ng Tsina para maghanap ng langis sa bahagi ng Spratlys na sakop ng Pilipinas. Makikipag-partner ito sa kompanyang Pilipino, at magpapasailalim sa batas ng Pilipinas. Walang lalabaging probisyon ng Konstitusyon, dagdag ni spokesman Edwin Lacierda.

Sana gan’un nga. Kadala-dala kasi ang JMSU ng Arroyo regime. Sa pakikipag-pirmahan ng Pilipinas, nilabag ang nagkakaisang-hanay ng ASEAN laban sa territorial expansion ng Tsina. Pag-aaralan umano ang “disputed waters,” ibig sabihin ang Spratlys. Pero nang guhitin ang coordinates, lumabas na 80% ng sakop ay dagat ng Pilipinas. Kabilang dito ang Recto (Reed) Bank, kung saan may langis at gas, sa gilid ng Malampaya, Matinloc at Linapacan fields.

Kapalit ng JMSU, taun-taon nagpautang ang Tsina     nang $2 bilyon na may “tong-pats”. Nagpakasasa ang cronies ng Arroyo admin sa mga proyektong tulad ng Northrail, Southrail, NBN-ZTE, Diwalwal-ZTE, at muntik nang pagpaupa sa Tsina ng isang milyong ektarya ng bukirin.

Nang mabisto ang JMSU nu’ng 2008, pinabayaan na lang ito ng Arroyo regime na mag-expire. Dahil hindi ni-renew ng Pilipinas, itinago ng Tsina ang resulta ng exploration. Tapos, nu’ng 2009 biglang naglabas ang China ng Nine-Dash Line claim sa buong South China Sea. Sakop ng mapa nila ang Recto Bank -- na “isinuko” sa kanila ng Arroyo admin.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments