MARAMI nang nabasag na drug syndicate ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Marami nang sinalakay sa mga pinaghihinalaang shabu laboratories, drug dens at maraming nadakmang suspects. Masipag sila. Walang kaduda-duda na ginagawa ang tungkulin.
Subalit hindi sapat ang sipag sa pagtupad ng tungkulin, kailangan din ang kasanayan sa trabahong kanilang ginagampanan. Kahit mahusay at masipag kung may “butas” naman ang ginawang operasyon at pag-iingat sa mga nakumpiskang ebidensiya, balewala rin. Hindi rin magiging matagumpay ang kampanya laban sa ipinagbabawal na droga. Sayang lamang ang mga pagsisikap at gastos sapagkat pagkaraang mahuli ang mga suspect, ay makakahulagpos din pala sa batas.
Nasayang ang pagod ng PDEA sa pag-aresto sa tinaguriang “Alabang Boys” noong Setyembre 2008. Inaresto ng PDEA ang dalawang “Alabang Boys” makaraan ang isang buybust operations sa Ayala-Alabang Village, Muntinlupa. Nakakum-piska umano ang PDEA ng Ecstacy at marijuana sa mga suspect. Sunod na inaresto ang isa pang suspect sa Quezon City. Subalit noong nakaraang linggo, pinawalang-sala ang dalawa sa “Alabang Boys” ng Muntinlupa Regional Trial Court dahil sa umano’y “lapses” ng PDEA agents. Nawala raw ang “link” ng mga ebidensiya na ipinresenta ng agents laban sa dalawang suspects. Pinalaya ng korte ang dalawang “Alabang Boys” samantalang ang isa pa ay hinihintay pa ang desisyon ng QCRTC.
Kinakailangang sumailalim sa tamang pagsasanay ang mga operatiba ng PDEA. Kailangang maging bihasa sila at nalalaman ang tamang operasyon upang hindi mabutasan. Nararapat din namang dagdagan ang pondo ng PDEA upang maisakatuparan nila nang maayos ang kanilang trabaho. Hindi biro ang pagharap nila sa mga “salot” ng lipunan.