NAGHIHIMAGSIK si Supt. Junnel Estomo ng PMA Class ’92. Abot langit ang pagtanggi ni Estomo na may kinalaman siya sa tong collection activities ng ex-cop na si Ver Navarro. Si Estomo ay naka-assign sa AIDSOTF sa kuwadra ni Dep. Dir. Gen. Raul Castaneda, ang deputy chief for operation ng PNP. Sabi ng mga kausap ko, imposible raw na si Estomo ang nasa likod ng tropa ni Navarro, na kinamumuhian ng mga gambling lords, bold show operators at mga ilegalista sa Metro Manila. Ang lakad kasi ng Navarro group ay mangulekta ng “tong” at hindi upang ipasara ang mga nag-iilegal sa MM. Sobra sa doble ang intelihensiya na gusto at ayaw nila ng tawad kaya nag-iiyakan ang mga ilegalista. Hugas-kamay si Estomo sa karahasang dulot ng tropa ni Navarro.
Subalit putok naman ang balita na si Boyet Kalabaw ang nanalo ng bidding na P800,000 weekly para sa CIDG sa Metro Manila. At ang kinuha ni Kalabaw ay sina Navarro at Emeng Macasaet sa Maynila, Egay Lazaro sa Camanava, si Navarro pa rin sa SPD at mismong si Kalabaw ang sa Quezon City Police District (QCPD). Kay Kalabaw muna dadaan ang nakokolektang pera bago isumite kay PO3 Colanding ng CIDG-NCR. Si Colanding ay dating bata ni Estomo, na bago sa AIDSOTF ay na-assign din sa CIDG-NCR. Kung tutuusin, hindi naman puwedeng ibulsa ni Colanding ang nakolektang lingguhang intelihensiya ng tropa ni Navarro kundi may binibigyan siya. At wala akong sinasabi na kay Estomo bumabagsak ang pitsa ha?
Habang naghuhugas-kamay si Estomo sa kalakaran sa CIDG, tuloy pa rin ang ligaya ng tropa ni Navarro. Parang mga Doberman na nananalasa sa kalye sina Navarro at ang ginagamit nilang pananakot ay ang elemento ng Task Force Maverick ng CIDG. Kung sabagay, paano makukulimbat ng tropa ni Navarro ang P800,000 weekly kung magiging malamya lang sila sa pakikipag-usap sa mga ilegalista? Aber mga suki?
Bakit kaya inutil sina DILG Sec. Jesse Robredo at CIDG chief Dir. Sammy Pagdilao na habulin ang tropa ni Navarro? Eh mahigit pa sa chopper scam, rubber boats procurement at repair ng mga V-150 ang ginagawa nila?
Kung anu-anong im-bestigasyon na ang iniutos ni Robredo para malinis ang PNP subalit bakit tiklop siya kay Navarro? Sagasaan mo si Navarro Sec. Robredo para hindi na tularan pa ng ibang Doberman. Abangan!