Pera natin ito, hindi ng politiko

NAG-ASAWA ng Pilipina si mamamahayag Alan Davis ng Britanya. Sa pagpasyal nila sa kapuluan inis siya tuwing makakabasa ng karatula ng politiko. Kesyo ang tulay, plaza o munisipyo na ito ay handog ni bukas-palad na governor, mayor o konsehal. Natuwa naman si Alan sa sagot ng mulat na taumbayan sa hambog na politiko. “Pera natin ‘to,” anila. ‘Yon ang naging slogan ni Alan sa sinimulang Philippine Public Transparency Reporting Project, para sa U.S. Agency for International Development. Naka-18 buwan ang proyekto ng pagtuturo sa mga lider komunidad at ng government budget at pagtatatag ng accountability watchdog groups.

Sa pagwakas ng proyekto nu’ng nakaraang linggo, sinaad ng mga kaalyado ang saloobin. Ani Sen. Teofisto  Guingona III, sa paghe-hepe ng Blue Ribbon Committee lalo niya nabatid ang halaga ng Freedom of Information Bill. Kung may gan’ung batas, hindi maitatago ng anomang ahensiya ang pinakukulo, tulad ng plea bargain ng Ombudsman kay plunderer Gen. Carlos Garcia. Mungkahi ni Interior Sec. Jesse Robredo magka-website ng purchases ang bawat ahensiya. Dahil sa department website niya, may supplier na nagsumbong na bumibili ang pulisya ng M-16 rifle na tig-P140,000 gayong kabebenta lang niya nito nang P93,000.

Sinariwa ni ZTE scam whistleblower Jun Lozada ang hirap sa pagbubunyag: Nawalang kita, gulo sa buhay-pamilya, banta sa seguridad. Kung kasabihan sa Africa na kailangan ng komunidad para magpalaki ng bata, dapat din suportahan ng komunidad ang truth-tellers. Nagbabalak naman si Gracia Pulido-Tan, hepe ng Commission on Audit, ng People’s Participatory Audit ng lahat ng ahensiya. Pero ngayon pa lang, maari magsumbong ng katiwalian ang ordinaryong mamamayan sa e-mail citizensdesk@coa.gov.ph o mobile (0915) 5391957.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments