EDITORYAL - Pangalanan ang smugglers

NANAHIMIK ng 14 na buwan si Customs Commissioner Angelito Alvarez at ngayong pinapalitan na siya sa puwesto ay saka siya sumisigaw na ang mga smuggler daw ang dahilan kaya siya papalitan. Sa ganitong inaakto ni Alvarez, dapat nga siyang alisin. Nagpapahiwatig lamang na wala siyang nalalaman sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Kung mayroon siyang alam dapat noon pa niya naamoy na ang mga smuggler ang sisira pala sa kanyang kinauupuan. Hindi nakapagtataka kung hindi nga masisiyahan si President Aquino sa kanyang performance kaya dapat siyang palitan. Ano ang mangyayari sa gobyerno kung ang mga miyembro ng Gabinete ay walang ipinakikitang progreso? Dapat gumawa nang gumawa ang mga inilagay sa puwesto.

Ngayong tahasan nang sinabi ni P-Noy na papalitan na ang Customs commissioner ay saka naman maraming “ngakngak”. Imagine, mga smug­gler ang dahilan kaya naalis ang Customs. Ibig bang sabihin ay mga smuggler talaga ang nagpapatakbo sa Customs. Napakalakas talaga ng mga smuggler at kayang maimpluwensihan maski ang presiden­te ng Pilipinas. Sabi nga ng isang mambabatas, pinakikinggan pala ng presidente ang hinaing mga mga smuggler kaya papalitan si Alvarez. Ibang klase ang mga smuggler na kayang imaniobra ang pamamalakad sa Customs. Para ano pa at inilagay ni P-Noy si Alvarez sa puwesto? Dekorasyon lamang sa loob nang mahigit isang taon? Pinasuweldo siya mula sa buwis ng taumbayan pero walang nagawang maganda para mapaunlad ang koleksiyon.

Nakapagtataka na kung kailan napabalitang papalitan sa puwesto si Alvarez ay saka naman niya sinabi ang tungkol sa nawawalang 1,910 con­­ tainer vans. At kamakailan, sinabi rin niyang marami pang nawawalang container vans na ang ilan ay nangyari sa nakaraang Arroyo administration.     Bakit ngayon lang ibinubunyag? Bakit ngayon lang     “ngumakngak”?

Mas makabubuti kung papangalanan ni Alva-    rez ang mga smuggler na umano’y dahilan kaya siya papalitan ni P-Noy. Kapag hindi niya napa-ngalanan ang mga smuggler at pawang “ngakngak” lang, dapat nga siyang alisin sa puwesto.

Show comments