NAGBITIW bilang kalihim ng Department of Tourism si Ginoong Bertie Lim. Dahilan sa pagbibitiw ay kailangan niya raw magkaroon ng mas mahabang panahon para sa kanyang pamilya na napapabayaan niya dahil sa dami ng mga biyahe.
May ibang balita naman na matinding pressure daw ang inaabot ni Ginoong Lim dahil sa kanyang open skies policy na tinututulan ng airline companies na dito sa atin nakabase.
Marami pang balita akong nakalap sa mga dating kasama ko sa Department of Tourism. Naging General Manager ho ako ng Philippine Tourism Authority noong araw kaya marami akong kaibigan sa naturang departamento.
Anyway, tayo ang isa sa bansa sa Asya na unang nagkaroon ng isang milyong dayuhang turista. Dinaragsa ang ating bansa dahil sa likas na kagandahan. Ang Boracay, Palawan, Banaue ay ilan lamang sa lugar na kilala hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo. Pero dahil sa kriminalidad at terorismo, maraming natatakot magtungo rito. Naalala n’yo pa ba ang hostage crisis sa Luneta at mga Abu Sayyaf. Bukod pa riyan ang kakula-ngan ng continuity sa tourism programs dahil papalit-palit ng pinuno rito gawa ng pulitika.
Sa kasalukuyan, dapat pag-ibayuhin ang pag-promote sa turismo. Ito ang pangunahing produkto natin. Nilampasan na tayo ng Thailand, Malaysia, Singapore, Vietnam at ang Cambodia ay humahabol na. Lamang tayo sa kanila dahil marunong tayong mag-English at mag-alaga ng bisita. Asikasuhin natin ang mga turista at huwag gawan ng masama. Turismo ang isa sa pinakamalaking pag-asa ng ating bansa.
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com