Sining o pambababoy?
Naging full time journalist ako pero artist talaga ako. Fine Arts in advertising ang kurso ko sa UST. Pero yung kontrobersyal na art exhibit kuno sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ay hindi na matatawag na sining. Ito’y purong pambabastos lalu na sa mga mananampalataya.
Mantakin mo naman na ang mga rebulto ng santo kasama na ang imahe ni Kristo ay lagyan ng ari at sabitan ng mga condom? Kung ito’y tinatawag na freedom of artistic expression, eh di puwede na ring magpinta o lumilok ng imahe ng mga kilalang politiko pati Presidente o mga mambabatas at palabasing nakikipagtalik sa baboy o kalabaw?
Ang di ko maunawaan ay bakit kinukunsinti ito ng pamunuan ng CCP. Ngayon ay planong kasuhan ng mga kaparian at mga mananampalatayang nasaling ang sensibility ang artist na si Mideo Cruz sa anila’y paglapastangan sa mga imaheng itinuturing na sagrado ng mga Katoliko. Kahit ano naman ang relihiyon mo ay wala kang karapatang lumapastangan sa ibang relihiyon. Sinuspinde nga ang exhibit pero pansamantala lang daw.
Sa UST rin nag-aral ang artist na gumawa ng kababuyang ito. Balita ko, suportado ng naturang pamantasan ang pagsasampa ng kaso laban kay Mideo Cruz ang “artist kunu” na may akda ng kabastusan. Sabit din sa demanda ang Cultural Center of the Philippines (CCP) na nagpahintulot maitanghal ang exhibit na ito. Tulad ng iba pang kalayaan, dapat ay maging responsable rin ang mga tinatawag na alagad ng sining.
Isa pa, ang CCP ay sentro ng sining ng kulturang Pilipino. Ang ganyang pambabastos ay hindi bahagi ng ating kultura, puwede ba?
Ayon kay Pablo Tiong-Vice Rector ng UST, hindi nila mapaparusahan si Cruz dahil ito ay undergraduate ng nasabing unibersidad.Bilang isang Catholic institution, sinabi ni Tiong na hindi maikokonsiderang gawa ng isang unprofessional artist ang “Kulo”.
Aniya, may sariling pagkilos ang UST subalit naghahanap pa sila ng tamang panahon at oras.
Nilinaw din ni Tiong na hin di proyekto ng UST ang “Kulo” sa CCP at sa halip ay kanilang kinokondena ang pambabastos.
Mabuti’t hindi relihiyong Muslim ang nilapastangan ng artist na ito. Kung nagkataon, magtago na siya sa ilalim ng palda ng nanay niya dahil kapag inabutan siya’y pihong dedo siya.
- Latest
- Trending