Pumayag kaya sila?
SUNUD-SUNOD na ang mga bagyo na nagdudulot nang malakas at matagalang pagbuhos ng ulan. Dito sa Metro Manila, marami nang mga lungsod ang natuto na kapag ganyang tuloy-tuloy ang buhos ng ulan, sinususpinde na ang mga klase hanggang high school. Bahala na iyong mga kolehiyo kung pati sila wala na ring klase. Bagama’t natutuwa ang mga bata kapag nangyayari ito, mga mag-aaral sa kolehiyo, mga guro pati na mga magulang ay hindi. Nawawala kasi ang mga araw ng pag-aaral na hindi naman kayang makuha sa mga make-up na klase dahil sa umpisa pa lang ng klase ay nakalatag na ang lahat ng mga schedule at mga dapat gawin ng mga mag-aaral.
Kaya may panukala na ilipat ang pag-umpisa ng klase sa Setyembre imbis na Hunyo. Masama raw ang panahon kapag Hunyo kaya maraming mga araw ang nawawala. Kung sa Setyembre ang umpisa, nasa bakasyon pa ang mga mag-aaral sa panahon na madalas ang mga bagyo at matinding pagbuhos ng ulan. Hindi mawawalan ng mga araw sa paaralan dahil bakasyon naman daw sila. Halos lahat din daw ng bansa ay sa Setyembre ang bukas na ng klase.
Pero ang tag-init natin ay sa mga buwan ng Marso, Abril at Mayo. Kaya naman ang bakasyon ay nakalagay sa mga buwang ito. Ganun din naman sa mga ibang bansa. Ang bakasyon ay tinataon kung kailan ang mga “summer” nila. Sa ibang bansa, ang kanilang summer ay nagsisimula sa Hunyo at nagtatapos ng Agosto. Kaya sa Setyembre ang bukas ng klase. Kung hindi ako nagkakamali, maulan at mabagyo pa rin ang mga buwan ng Setyembre sa atin. Ang Ondoy ay naganap sa huling linggo ng Setyembre noong 2009. Mga malalakas na bagyo ay pumapasok sa bansa ng mga buwan ng Oktubre at Nobyembre. Kaya nasaan ang mga benepisyo ng pagbukas ng klase sa Setyembre, kung saan tag-ulan ang ibibigay na bakasyon sa mga estudyante?
Dapat pag-aralan nang mabuti kung may plano na talagang ilipat ang pagbukas ng klase sa Setyembre. Baka naman gusto lang ng iba na matulad sa Amerika? May mga dahilan kung bakit iba-iba rin ang pag-umpisa ng klase sa bawat bansa. Sa tingin ko, ang kasalukuyang sistema natin ay tama para sa panahon.
Dahil wala naman tayong kontrol sa panahon, dapat sumabay na lang tayo. Pero kung talagang may benepisyo ang pagbukas sa Setyembre, bakit hindi? Sabihin na lang nila sa lahat ng mag-aaral kung bakit mga maulan na buwan na ang kanilang bakasyon. Wala nang beach, Boracay, Tagaytay, Baguio, Camarines Sur, Siargao, Legaspi, Subic, Davao, Cagayan de Oro, Cebu, Palawan, naku, lahat na! Sa madaling salita, wala nang magagawa sa labas ng bahay dahil todo buhos na ang ulan. Pumayag kaya sila?
- Latest
- Trending