NAGLULUTANGAN ang mga sobrang mahal na binili o binayaran sa ilalim ng nakaraang admi-nistrasyong Arroyo. Nakakalula ang mga binayaran na parang walang anumang hinugot sa kaban ng bayan. Kung totoo ang mga alegasyon na gumastos ang pamahalaan nang sobra- sobra sa mga bagay na hindi naman worth, dapat talagang imbestigahan ang mga ito. Halukayin ito nang todo hanggang sa mabunyag at malantad ang mga taong nasa likod nito. Kung nagkaroon nang overpricing sa mga bagay na binili o binayaran, tiyak na may mga kumita rito. Siguradong nagpasasa sa pera ang mga taong sangkot sa anomalya.
Nabunyag ang mahal na kape na ipinamamahagi umano ng libre sa mga nagsusugal sa casino na pinamamahalaan ng Philippine Amusement and Ga-ming Corporation (Pagcor). Ang nagastos na halaga para sa kape ay umaabot ng P1-bilyon. Nangyari ito sa ilalim ng pamumuno ni dating Pagcor chairman Efraim Genuino. Ang anomalya ay binunyag mismo ni President Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes. Sabi ni Aquino, “Isang bilyong piso po ang ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong: Nakakatulog pa po ba kayo?”
Bukod sa mahal na kape, nabanggit din ni Aquino ang ukol sa mahal na helicopter. “Wangwang po ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na gamit na.”
Kahapon ay sinimulan ng Senado ang imbestigasyon sa mga biniling helicopter na nagkakahalaga ng milyong dolyar pero ang mga ito pala ay second hand na. Ang mga helicopter ay para sa Philippine National Police. Hindi naitago ng mga Senador na nag-iimbestiga ang pagkadismaya sapagkat hinayaan daw na linlangin sila ng kompanyang binilhan ng mga helicopter. Nagbabala ang mga Senador sa PNP officials na nag-apruba sa pagbili ng helicopter na malaki ang pananagutan nila. Maaari silang makulong.
Kaliwa’t kanan ang anomalyang iniimbestigahan. Sana naman mayroon nang managot, makasuhan at makulong na mga taong sangkot sa anomalya. Ito ang asam ng mamamayan na nagsasawa na sa katiwalian.