KALIWA’T KANAN ang komento kung bakit ilang deka da nang namamayagpag ang mga pusakal ng lansangan sa Rotonda, Pasay.
Kinabibilangan ito ng mga holdaper, snatcher, mandurukot at bugaw ng mga prostitute sa lugar.
Ilang taon ng nageleksiyon, nagpalit-palit na ang mga umupo sa lokal na gobyerno mula sa barangay hanggang sa city hall.
Ilang beses na ring nagrigodon ang mga pulis ng Philippine National Police at papalit-palit na ang mga hepe ng pulisyang nakakasakop dito.
Ang tanong, bakit nandiyan pa rin sila. At ang problema, lalong namamayagpag at lumalakas ang loob ng mga ito na mambiktima.
Isinisisi ng ilan sa pulis na nakatalaga sa lugar, may paikot-ikot nga na mobil ng pulis, hindi naman alam kung ano talaga ang pakay. Ang rumonda o mangolekta.
Ibinabato rin ang problema sa barangay, mas kilala nila ang mga residente dito. Bakit hindi magtayo ng outpost sa mismong lugar beinte kuwatro oras para mabantayan ang mga taong nagdadaan dito.
Sa panig ng mga pulis, identified nila ang mga suspek na ito sa lugar. Ang kanilang problema, walang nagrereklamo.
Ang mga biktima, hindi naglalaan ng oras para makapagsampa ng kaso laban sa mga suspek.
Dahil cellphone lamang o ilang mahalagang bagay ang nawala sa kanila, hindi nila ipagpapalit ang oras sa trabaho para lumiban at magfile ng kaso.
May mga biktima rin na walang kamalay-malay na sa Pasay Rotonda sila nawalan o nadukutan ng gamit. Isama mo pa rito ang karapatan ng mga hinayupak na suspek na magpiyansa.
Kaya pati ang barangay, hirap kung paano sugpuin ito dahil sa kahinaan ng sistema. Kaya hindi na kami magtataka sa nangyari sa holdaper na sinusubaybayan namin sa Muñoz taong 2009.
Matapos naming ipalabas ang kaniyang aktuwal na pangho-holdap, nakara-ting na sa amin ang balitang pinatay ito sa Monumento. May pako sa ulo at may karatulang “Holdaper ako, ‘wag tularan”.
May lengguwahe kasi ang mga pusakal kung saan, kapag masyado nang lantad ang kanilang kasamahan sa pambibiktima nito, sila na mismo ang tumutuldok dito.
May ilan din, kung mahina ang sistema, sila ang magbibigay ng hustisya.