Kaligtasan ng pulisya binale-wala ng pinuno

SA sasakyang panlupa, tubig at himpapawid, nagnakaw umano ang lumang pamunuan ng Philippine National Police at National Police Commission nu’ng 2009. Nilantad ni Interior Sec. Jesse Robredo na:

• Kinontrata ng mga heneral nang P300 milyon ang pag-repair ng 30 armored personnel carriers. Pero 13 lang ang ginawa; ang iba’y kinahoy. Kung bumili na lang ng 13 brand new APCs ang PNP, gan’un din sana ang nagastos. Kulang ngayon sa panlusob ang pulisya.

• Kinontrata ng mga heneral ang pagbili ng 20 water patrol craft. Bago pa man ito ma-deliver, nag-repeat order sila ng lima pang units, sa halagang P95 milyon. Hindi ito tinanggap ng Maritime Group dahil kontra sa specifica-tions ng requisition. Isa na lang sa lima ang umaandar

• Una silang um-order sa tatlong suppliers ng 75 rescue rubber boats na may 40-horsepower outboard motor. Tapos binago nila: 75 rubber boats at 93 piraso ng 60-hp motors, halagang P131.5 milyon. Hindi magkasya at magamit dahil sobra ang laki ng motors. Kung magre-rescue ang pulisya, kailangan ngayon magsagwan.

• Kinailangan ng Special Action Force ng tatlong brand new police helicopters. Bumili ang mga heneral, nang P105 milyon, ng isa lang brand new police version at dalawang lumang civilian models. Pinalabas nilang brand new rin ang dalawa, pero pag-aari ito ni Mike Arroyo noon pang 2004.

• Kasing grabe, milyon-milyong piso din ang ipinam­bili nila ng bullet proof vests na nalalasog-lasog sa paggamit sa loob lang ng ilang buwan. Hindi tuloy nakakasangga ng bala.

Binale-wala ng mga heneral ang kaligtasan ng mga tauhan. Batay sa ulat ni Robredo, nagpayaman sila habang nagdudusa ang pulisya.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments