KAWAWA naman ang mga tuko (gecko). Dahil sa kawalan ng pagkakitaan, ang mga tuko ang hinuhuli para magkapera. Nanganganib tuloy na maubos ang mga tuko sa hinaharap. At kung mauubos sila, maaaring dumami naman ang mga lamok, ipis, langaw at iba pang insekto. Ang mga nabanggit ang hinuhuli ng tuko at nagsisilbi nilang pagkain.
Mahal umano ang isang gramo ng tuko. Nagkakahalaga raw ng P1,000 ang isang gramo. Mahal ang tuko sapagkat natuklaasan daw na ang lamanloob ay nakagagaling sa sakit na AIDS, asthma at tuberculosis. Ang laman daw kapag pinulbos ay mahusay para sa mga lalaking inutil sa pakikipagtalik. Dinadala raw ang mga tuko sa South Korea at China. Dahil balitang-balita na mahal binibili ang tuko, marami na ang nanghuhuli nito sa buong bansa. Sa Laguna at Bulacan ay marami nang nanghuhuli ng tuko. Ang iba para makapagbenta nang malaking timbang ng tuko ay pinatataba muna sa mga cage. Kapag malaki na ang timbang ay saka ibebenta. Umano, isang magsasaka sa Laguna ang nakapagbenta ng tuko sa halagang P250,000. Sabi naman ng mga awtoridad, gimik lamang daw ito ng sindikato. Wala raw bibili ng tuko sa ganito kalaking halaga.
Mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli ng tuko. Nakasaad sa 2001 Wildlife Resources Conservation and Protection Act na ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P300,000 at makukulong ng apat na taon. Ayon sa Protected Areas and Wildlife Bureau ng Department of Environment and Natural Resources ang mga tuko ay nakatutulong sa pagpuksa ng mga insekto kagaya ng lamok. Mayroon silang silbi sa ecology. Kung mauubos ang mga tuko, maaaring dumami ang mga lamok na may dengue. Hindi dapat hulihin ang mga tuko.
Kung may dapat mang hulihin at patayin, iyan ay walang iba kundi ang mga daga at ipis na nagdadala ng sakit sa sambayanan. Dahil sa mga daga kaya may nagkaka-leptospirosis. Ang ihi ng daga ay humahalo sa baha at kapag nailusong ang paa na may sugat dito umaatake ang virus. Sa huling report, marami nang namatay sa leptospirosis. Ang ipis ay isa sa pinakamaruming insekto. Kapag ang pagkain ay ginapangan ng ipis, maraming sakit ang dadapo sa katawan at isa na umano riyan ang typhoid fever.
Huwag hulihin ang mga tuko para lamang pagkakitaan.