EDITORYAL - Huwag kagatin ang patibong
TAKTIKA lamang ang alok ni dating ARMM governor Zaldy Ampatuan na maging state witness sa kinasasangkutan niyang Maguindanao massacre case. Kapag kinagat ng gobyerno ang alok ni Zaldy, tiyak ang pagkahulog sa patibong. Makakahulagpos ang isa sa mga suspect sa karumal-dumal na maramihang pagpatay noong Nob. 23, 2009 at lalo pang magngingitngit sa galit ang mga kaanak ng 57 pinatay. Si Zaldy ay itinuturo ng mga testigo na kasama ng gabing iplano ang pagpatay sa mga biktima. Taliwas sa sinasabi nito (Zaldy) na wala siya sa Maguindanao nang mangyari ang krimen. Patunay daw ang mga tiket sa eroplano at mga bill sa telepono. Nasa Maynila, Davao City at Cotabato raw siya ng mga panahong iyon.
Itinuro niya ang amang si Andal Sr. at kapatid na si Andal Jr. na may kagagawan sa krimen. Handa raw siyang sabihin ang lahat nang nalalaman. Sinira raw ang kanyang buhay ng nangyaring krimen. Apektado raw ang kanyang pamilya. Gusto na rin daw niyang palitan ang kanyang apelyido dahil sa nangyari.
Okey na sana ang mga sinabi ni Zaldy na nagtuturo sa ama at kapatid na may kinalaman sa massacre pero nang banggitin niya ang tungkol kay dating President at ngayo’y Pampanga congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo, tila mas gusto niyang ito ang palitawin na mas mahalaga kaysa sa karumal-dumal na krimen. Sinabi niyang masama ang loob niya kay Mrs. Arroyo. Alam daw ni Arroyo kung nasaan siya noong mangyari ang krimen. At ang kasunod ay ang mga pandarayang ginawa raw ni Arroyo noong 2007 elections sa Maguindanao kung saan ay pina-boran ang kandidatong senador. Galit din daw siya kay First Gentleman Mike Arroyo. Sa himig ay marami pa siyang ibubulgar na baho ng mga Arroyo.
Patibong ito at hindi dapat kumagat ang Malacañang. Hindi dapat pag-aralan ang alok ng suspect sa Maguindanao massacre. Kung talagang sinasabi ni Zaldy na wala siyang kasalanan sa krimen, patunayan niya sa korte. Kung talagang malinis ang kanyang konsensiya, ilahad niya ang mga nalalaman. Lubhang katawa-tawa ang kanyang pag-aalok na maging state witness pero ang target niya ay ang mga nangyaring kabulukan noong 2007 election. Ibang usapin iyan. Tapusin muna ang Maguindanao massacre.
- Latest
- Trending