TAONG 2007 pa lamang sinimulan na ng BITAG ang krusada laban sa malalaswang billboard na nakasampay sa kahabaan ng EDSA.
Hindi maikakaila na gayundin ang eksena sa mga pa-ngunahing kalsada sa Metro Manila at kalapit probinsiya tulad ng NLEX at SLEX.
Matagal-tagal na namin itong pinupuna, matagal na itong pinapalagan ng BITAG at maging ng ilang magulang, sibilyan at grupong hindi sang-ayon sa mga billboard na ito.
Sinasabi ng ilan, kami lamang daw sa BITAG, ang aming programa ang naglalakas-loob na pumuna sa mga tanawing ito, wala kaming pakialam. Taun-taon patuloy kaming magpapasilip, pupuna at hindi sasang-ayon sa di kaaya-ayang tanawin na ito.
Kinikilala ng BITAG ang katapangan ni Mandalu-yong Mayor Benhur Abalos sa pagpapatanggal ng billboard ng isang grupo ng athlete na pawang mga nakakarsunsilyo lamang.
Ang akala kasi ng mga nasa likod ng mga kumpanyang hindi maawat sa paglalagay ng kanilang mala-higanteng billboard, fashion pa itong matatawag sa mata ng publiko.
Ang hindi maintindihan ng kanilang mga nakaba-luktot na kukote, hindi lamang mga matatanda ang tao sa Pilipinas. Nakalimutan nilang may mga bata ding nagdadaan sa mga kalsadang ito kasama ng kanilang mga magulang.
Talaga namang eye sore na sa paningin ng karamihan ang mga billboard na ito. Lumalala kasi ang malaswang posisyon at kasuotan ng mga nagmomodelo, lumuluwa na ang maseselang bahagi ng katawan.
Katwiran pa ng ADBOARD noon na aming nakapanayam, wala naman daw pormal na nagre-reklamo laban sa mga naglalaswaang billboard na ito.
Kalimitan daw kasing may pakana ng mga reklamo, mga competitor o ‘yung kumpanyang kakumpetensiya ng mga produktong ito.
Tsk tsk tsk, kapag lahat ng otoridad ganito ang pag-iisip, hindi na magtataka ang BITAG kung madami pang kumpanya ng mga produkto ang maggagayahan.
Sana naman, lahat ng punong-bayan ng mga siyudad sa Metro Manila, tularan si Mayor Abalos na may bombolyas para ayawan ang malalaswang billboard na ito.
Hindi yung puro kita na lamang ng kanilang tanggapan ang iniisip kahit hindi na ito kapaki-pakinabang sa mamamayan. Kudos sa mga maninindigan!