PINUTOL na ng Maynilad ang suplay ng tubig sa Manila Police District (MPD) dahil sa utang na mahigit P14-mil-yon! Ayon sa isang taga-MPD, matagal na silang sinisingil ng kumpanya, at ilang beses na ring nagpadala ng sulat-demanda para magbayad ng utang. Pero dahil wala ngang maibayad, pinutulan na ang istasyon. Ganundin sa kuryente. Nagbabala na ang Meralco na puputulan na rin sila ng kuryente kung hindi babayaran ang kulang-kulang P100-milyong utang!
Paano umabot ng ganyan kalaki ang mga utang sa tubig at kuryente? Ayon sa hepe ng Logistics ng MPD, hindi na sapat ang budget na itinatakda ng NCRPO para sa kanilang buwanang tubig at kuryente. Tumaas nang tumaas ang presyo ng tubig at kuryente, pero hindi naman lumaki ang budget ng bawat istasyon o distrito. Pero sa tingin ko ay hindi lang kakulangan ng budget ang dahilan. Lumakas din ang pagkonsumo ng tubig at kuryente ng bawat istasyon. Saan lumakas?
Dapat gumawa sila ng sekretong imbestigasyon sa paggamit ng kuryente sa kanilang mga istasyon. Unang-una, sigurado ako na lahat ng cell phone ng lahat ng nagtatrabahong pulis, clerk at kung sino pa sa MPD ay doon na nakasaksak para kargahan ang mga baterya! Sigurado iyan! Bakit pa nila gagawin sa bahay kung libre sa stasyon? Pangalawa, computer. Malakas sa kur-yente ang desktop na computer. Mas matipid ang laptop. Kaya kung puro desktop pa ang ginagamit, isa rin yang dahilan ng mataas na kuryente. At sigurado may naka-Facebook, Twitter at kung anu-ano pang pinupuntahan na mga website na hindi naman opisyal na gawain!
Sa tubig naman, sigurado marami sa istasyon na lang naliligo at hindi na rin sa mga tahanan nila. May nagpapahugas din ng sasakyan sigurado. Sa madaling salita, kung ano ang pwede nilang pakinabangan na kuryente at tubig sa istasyon, gagawin. Habang tumatagal, magpapatung-patong na ang utang.
Dapat pagbawalan na ang lahat ng mga nabanggit kong ginagawa sa istasyon tulad ng pagkarga ng cell phone. Dapat lahat ng paggagamitan ng tubig at kur-yente ay pang-opisyal na gawain lamang.