EDITORYAL - PAF: Puro Air walang Force

K UNG nakakaawa ang kalagayan ng Philippine Navy, mas nakakaawa ang Philippine Air Force. Mabuti pa ang Navy sapagkat meron pa silang barko ang Raha Humabon samantalang ang Air Force ay wala kahit isa. Ang huling decomissioning ng air force para sa kanilang figher jet ay noon pamg 2005.

Kawawa ang kalagayan ng air force na walang magagawa sakali at may kaaway na lumusob at magpaulan ng missiles o kaya’y maghulog ng bomba. Wala ring gamit para matiktikan ang mga papalapit na eropano ng kaaway. Sa isang iglap ay maaaring mapulbos ang bansa.

Naging malaking isyu ang kasalatan ng Air Force nang magkaroon ng kontrobersiya sa ginagawang pambubully ng China sa mga bansang umaangkin sa Sptratly Islands. Agad nagpadala nang malaking barkong di-giyera ang China at maraming nangamba na mauwi sa komprontasyon ang lahat. Maski si Senate President Juan Ponce Enrile ay nagsabing huwag pipikunin ang China at baka biglang magpaulan ng missiles.

Pero may nagpapasalamat din sa pagpapakita ng China ng kanilang lakas sapagkat namulat ang Philippine Air Force sa kanilang kasalatan. Ano ang ipanlalaban ng Pilipinas sa ganitong naglalabas ng pangil ang China? Wala. Kaya isang mala-king pagbabago o modernisasyon ang nararapat nang isagawa ng air force. Hindi na dapat ipagpa-liban pa ang pagbili ng mga bagong gamit  figh-ter plane at radar – para ganap na maipagtanggol ang bansa.

Kamakalawa, sinabi ng pamahalaan na makakatanggap ang PAF ng P14-billion funding. Ito ay gagamitin sa pagbilli ng eroplano at radar para mamonitor ang mga eroplano ng kaaway na palapit sa bansa.

Ang pagkakaloob ng pondo para matustusan ang pagbili ng mga gamit ng PAF ay napakagandang paraan. Sa wakas ay maisasakatupuran na ang pagsasaayos sa PAF at makikita natin kung paano gumawa ang mga kasalukuyang namumuno. Kailangan ng PAF ng suporta mula sa mamamayan. Dapat magkaroon ng force ang PAF.

Show comments