EDITORYAL - Ipakita ng PNP na kumikilos sila

KUMIKILOS ba ang Philippine National Police (PNP) para maprotektahan ang mamamayan? Daglian ba silang kumikilos para malutas ang mga nangyayaring krimen sa kasalukuyan?

Ito ang mga katanungang namumutawi ngayon sa mga nahihintakutan at nag-aagam-agam na mamamayan dahil sa mga nangyayaring krimen. Tanong pa, ligtas pa ba sila sa paglabas ng kani-kanilang mga bahay? Hanggang ngayon, wala pang nahuhuli sa mga kalalakihang bumaril, at sumagasa sa mga babaing biktima sa Quezon City noong Hunyo 14 at 15. Sampung araw na ang nakalilipas pero nakagagala pa ang mga “halang ang kaluluwa” at maaaring naghihintay na naman sila ng pagkakataon para sumalakay.

Pinagbabaril si Cheryl Sarmiento noong Hunyo 14 sa kanto ng Commonwealth at Regalado Ave. sa North Fairview, Quezon City habang nasa kanyang kotse. Tatlong kalalakihan umano na naka-bonnet at may mahahabang baril ang rumatrat sa sasakyan ni Sarmiento. Umano’y 24 na bala ang tumama sa biktima. Ayon sa mga nakasaksi, walang anumang tumakas ang mga suspek. Walang pulis na nakaresponde sa lugar ng crime scene. Ang lugar ay matao at dapat may mga nakabantay na pulis.

Kinabukasan, isang babae na naman ang biktima. Inagaw ang sasakyan ni Marie Teresita Teaño sa Kamuning, Quezon City. Nang ayaw ibigay ni Teaño ang susi ng sasakyan, binaril siya ng isa sa tatlong lalaki. Ang nakapagngingitngit ay sinagasaan pa siya nang mga “halang ang kaluluwa”. Wala ring nakarespondeng mga pulis. Ang lugar ay malapit lamang sa isang police station.

Hanggang kailan maghihintay ang mga kaanak ng dalawang biktima? Hanggang kailan nila titiisin ang kirot ng pagkawala ng kanilang mahal sa buhay na lalo pang sumasakit sapagkat wala pang nakikitang pagkilos ang PNP. Wala pang nakikitang liwanag kung paano mabibigyan ng hustisya ang pagpatay.

Ipakita ng PNP na mayroon silang silbi. Ipakita na gumagalaw sila. Ipamalas na handa nilang protektahan ang mamamayan laban sa mga “halang ang kaluluwa”. Huwag hayaang mawala nang lubusan ang tiwala ng mamamayan. Hindi sila dapat magwalambahala.

Show comments