Editoryal - Modernization ng AFP, kailangan na

SABI ni Senate President Juan Ponce Enrile, huwag daw gambalain ang China sa pamamagitan ng pagpapadala ng nag-iisang warship ng Pilipinas sa pinag-aagawang Spratly Islands. Baka raw mapikon ang China ay paulanan ng torpedo o missile ang Raha Humabon. Sigurado raw lulubog ang barko. Pinaalalahanan niya ang AFP na huwag lalampas sa teritoryo para maiwasan ang paglala ng sitwasyon.

Kakaawa ang kalagayan ng Pilipinas sa ganitong sitwasyon na binu-bully ng ibang bansa pero hindi kara-karakang makaganti dahil kulang sa kagamitan, gaya ng barkong panggiyera at eroplano. Kaya ang nangyayari, kahit na ang kalaban ang nagpapasimula ng gulo, ang Pilipinas ay walang magawa kundi makiramdam lang dahil walang ikakaya kung digmaan ang pag-uusapan. Mayroon ngang barko pero luma. Umano’y binili pa sa US ang warship noong 1978. Gamit na gamit na. Baka raw ang mga kanyon ng Humabon ay pupugak-pugak na. Wala ring fighter plane ang bansa. Sabi nga puro Air at walang force ang PAF. Kulang sa malalakas na baril at iba pang modernong sandata.

Imagine, pati ang mga mangingisdang Viet­namese ay hindi natatakot na lumapit at mangisda sa mismong teritoryo ng Pilipinas. Hindi nila kinatatakutan ang mga Coast Guard ng Pilipinas dahil alam nilang wala namang magagawa. Paulit-ulit ang pangingisda ng mga Vietnamese at Chinese sa karagatang sakop ng Pilipinas o ang tinatawag na West Philippine Sea. Umano, para makaiwas sa Philippine Coast Guard ang mga Vietnamese, nilalagyan nila ng Philippine flag ang kanilang mga barkong pangisda. Hindi nga naman sila agad-agad sisitahin dahil may watawat ng Pilipinas.

Kakaawa ang bansa sa ganitong sitwasyon na hindi agad makapalag kung binu-bully. Kaya walang ibang mabuting gawin ang pamahalaang Aquino kundi isamoderno na ang mga kagamitan ng Armed Forces of the Philippines. Paglaanan na nang malaking budget para makabili ng bago at modernong warship, fighter jet, tangke, mga baril at iba pang gamit.

Maaaring dumating ang panahon na magkagirian sa Spratlys at tiyak na kasama ang Pilipinas. Ha­hayaan na lang ba na paulanan ng missiles o torpedo ang nag-iisang barkong panggiyera? Hindi naman tama iyon. Nararapat nang magkaroon ng modernisasyon sa AFP. Ipakita sa mga katabing bansa na mayroon ding kapabilidad ang Pilipinas.

Show comments