Mga tanong kay Bishop Pueblos
MAGTATANONG lang po, Bishop Juan de Dios Pueblos ng Butuan:
Kayo po ba ang obispo na, sa panayam sa radyo kamakailan, ay nagsabing “hindi karapat-dapat si Noynoy Aquino bilang Pangulo, ang tungkuling ‘yan ay hindi para sa kanya, mas maaga siyang mawala sa puwesto ay mas magaling para sa Pilipinas”?
Kayo rin po ba ang obispo na bumatikos kay Aquino dahil sa pagtalaga niya ng mga “kabarilan” sa mga posisyon sa gobyerno? At kayo po ba ang kumontra nu’ng 2005 sa pag-imbestiga sa pandaraya ni Gloria Arroyo sa 2004 presidential election na nabulgar sa “Hello Garci”?
Kayo po ba ang nagsabing kausap ninyo ang mga nag paplanong magpatalsik kay Aquino? Sa paglahok o pagkontra n’yo sa mga isyung pampulitika, hindi kaya nanghihimasok ang Simbahan sa Estado?
Isa pa po: Kayo po ba ay tumanggap nu’ng 2009 ng sasakyang 4-wheel drive mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office, sa Ilalim ng Office of the President (Arroyo)?
Kasi po sinasabi sa Resolution No. 783, series of 2009: “Resolved that the Board of Directors of PCSO approve, as it hereby approves, pursuant to Board Resolution No. 328 series of 2009 Re: Grant of one (1) unit 4x4 service vehicle to the Diocese of Butuan c/o Bishop Juan de Dios M. Pueblos, in the amount of One Million Seven Hundred Four Thousand One Hundred Forty Seven Pesos and 90/100 (P1,704,147.90), for the use of the diocese in its various community and health programs in Caraga, especially in the far flung areas in need of health and medical services, charged to the applicable item in the budget ... 5 June 2009.” Pirmado po ito nina noo’y-chairman Sergio Valencia, at directors Manuel Morato, Raymundo Roquero, Jose Taruc V, at Ma. Fatima Valdes.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com
- Latest
- Trending