TINATAWAGAN ng pansin ng BITAG ang Mandalu-yong Police Station hinggil sa sunod-sunod na insidente ng Basag Kotse sa isang badminton court sa Pioneer, Mandaluyong City.
Nagdesisyon ng lumapit sa BITAG ang isa sa mga biktima at ipinarating ang kaniyang hinaing sa pamamagitan ng e-mail sa nakakabahalang pag-atake ng mga suspek sa likod ng krimeng ito.
Umano’y broad day light kung mambiktima ang Basag Kotse Gang at pawang mga SUV’s o malalaking sasak-yan ang paboritong nakawan ng mga ito.
Sa sumbong ng isa sa mga biktima, binabasag ang kaliwa o kanang bahagi ng salamin ng sasakyan upang makuha ang gamit na nasa loob nito.
Kataka-takang hindi gumagawa ng ingay o hindi man lamang nag-aalarm ang mga sasakyang nabibiktima ng Basag Kotse Gang.
Sa salaysay ng biktima sa kaniyang e-mail, ikinagulat raw nila na sa taong ito ay pang-limang beses nang nangyari ang nasabing krimen sa parehong lugar.
Ayon naman daw sa management ng badminton court, siya raw ang ika-labing anim na biktima ng basag kotse gang sa kanilang establisyamento.
Nananatili umanong kalmado at walang ginagawang aksiyon ang PNP ng Mandaluyong sa sunod-sunod na krimeng ito. Tila normal na raw sa mga otoridad ang makarinig ng ganitong sumbong mula sa mga mismong biktima. Ang nasabing establisyamento, tila hindi na rin nababahala dahil sa kanila mismo nanggaling na ika-16 ng biktima ang huli.
Tatlong taon na ang nakakaraan ng huling mahulog sa BITAG ang grupo ng sindikato ng Bukas Kotse Gang na nambibiktima sa Metro Manila at iba pang karatig probinsiya.
Maaaring ang ilan sa kanila ay nakalaya na o pansamantalang nasa labas pa ng kulungan dahil sa bisa ng piyansa kung kaya’t muling bumuo ng grupo at umaatake ang mga ito.
Iniimbitahan ng BITAG na magsadya sa aming tanggapan ang sinumang nakaka-kilala sa pagkakakilanlan ng nasa likod ng Basag Kotse Gang sa Mandaluyong. Sa ma kapagtuturo, may pabuyang kapalit ang impormasyong ipagkakatiwala niyo sa amin.
Sa mga iba pang biktima ng krimeng ito, lumapit ng personal sa amin. Makakatutulong ang inyong mga pahayag sa aming imbestigasyon laban sa mga suspek.