Editoryal - Huwag mag-text habang nagda-drive
KUNG kayo ay drayber at balak n’yong mag-text o kaya ay tumawag habang nagmamaneho, huwag nang ituloy gawin. Delikado kayo dahil bawal na ito. Kapag kayo ay nahuling nagte-text o tumatawag, papatawan kayo ng kaparusahang kanselasyon ng lisensiya at pagmumultahin ng P10,000 o mahigit pa. Ang batas ay nakapaloob sa House Bill 4571 o “Anti-Mobile Communication Devices Use While Driving Act of 2011”. Ang awtor ng batas ay si dating President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Co-author ng batas si Pampanga Rep. Aurelio Gonzales, Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy at Buhay Partylist Rep. Erwin Tieng.
Ito ang kasagutan sa maraming aksidente sa kalsada na nangyayari ngayon. May nababanggang sasakyan dahil tumatawag sa cell phone ang drayber. May nasasagasaang tao dahil ang drayber ay nagti-text. At sa maniwala at sa hindi dito lamang sa Pilipinas may mga drayber ng motorsiklo na nakakapag-text. Kaya naman araw-araw may nangyayaring aksidente sa kalsada. Sa Quezon City na lamang ay may naitalang mahigit 5,000 aksidente sa kalsada mula Enero hanggang Marso 2011 at nagresulta sa pagkamatay ng 30-katao. Umano’y ang paggamit ng cell phone ang dahilan ng aksidente.
Maaaring mabawasan na ang mga nangyayaring aksidente sa maraming lugar sa bansa, particular sa Metro Manila kapag lubusan nang naipatupad ang batas na ito. Maililigtas na sa kapahamakan ang mga pasahero at pedestrian. Dapat noon pa ay naging batas na ito para hindi na tumaas ang bilang ng mga naaaksidente.
Ang isa sa magiging problema ay kung paano mahuhuli ang mga drayber na gumagamit ng cell phone habang nagmamaneho. Sino ang magpapatupad? Kung ang mga traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang magpapatupad, baka mawalan ng silbi ang batas. Paano’y baka matulad din lang ito sa pagbabawal manigarilyo na noong unang araw lang masigasig pero makalipas ang ilang araw ay wala na.
Isa pang problema ay baka gawin lamang “gatasan” ng traffic enforcers ang mga mahuhuling drayber. “Paglalagayin” na lang para makaiwas sa batas. Paano kapag ganito? Hindi kaya mabalewala rin ang magandang batas na ito?
- Latest
- Trending