HARINAWANG natuldukan na ang matagal na nating kultura na ang mga korporasyong kontrolado ng pamahalaan ay ginagawang gatasan ng mga opisyal na nakatalaga doon.
Nilagdaan na ni Pangulong Noynoy Aquino ang GOCC Governance Act of 2011.
OK ang layunin nito: Wakasan ang pang-aabuso ng mga pinuno ng mga korporasyong nabanggit. Alam niyo na ang ibig kong sabihin: Dambuhalang bonus, allowance, at iba’t ibang perks. Priority bill ito na ikinasa noon ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC). Ito ang konseho na noong nakaraang taon pa pinagsumikapang buuin ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr.
Harinawang ang mga panukalang batas na inien-dorso ng LEDAC ay magreresulta sa pag-unlad ng tao, pag-unlad sa imprastruktura, paglago ng ekonomiya, soberenya at seguridad, at mabuting pamamahala.
Ang naturang batas ay nagbibigay-diin sa polisiya ng administrasyon para pangalagaan ang pondo ng gobyerno at tiyaking napagsisilbihang maayos ang taumbayan. Idinagdag ni Ochoa na ang bagong batas ay alinsunod sa hangarin ni P-Noy na supilin ang mga pandarambong at katiwalian sa gobyerno.
Nakatulong nang malaki sa pagsala sa halos 200 bills ang ginawang Cabinet clustering ni Ochoa para tukuyin kung anong mga panukalang batas ang higit na kinakailangan ng bansa at mamamayan.
Ang limang Cabinet cluster ay pinamumunuan nina Vice President Jejomar Binay, Human Development; Socio-economic Planning Sec. Cayetano W. Paderanga Jr., Economic Development; Public Works Sec. Rogelio L. Singson, Infrastructure Development; Justice Sec. Leila M. De Lima, Sovereignty, Security and the Rule of Law; at Exec. Secretary.
Malaki ang papel ng GOCCs at GFIs sa pag-unlad ng bansa. Sa tulong ng bagong batas umaasa tayong makakasabay ang mga ito sa mga pambansang polisiya at programa na isinusulong ng administrasyon ni P-Noy.
Nakatadhana sa GOCC Governance Act of 2011, ang Governance Commission for GOCCs ay bubuuin at isasailalim sa Office of the President para tumayong advisory, monitoring, at oversight body. Aprub iyan!
Huwag sasablay ha?