Torture ng Pulis Sta.Cruz
(Unang bahagi)
TORTURE, kilala ang malupit na pamamaraang ito na ginagamit partikular ng mga otoridad para paaminin ang isang suspek hinggil sa isang krimen.
Ngunit paano kung ang itinuturong salarin ay napagbintangan lamang pala sa isang kasalanang hindi siya ang may gawa?
Ito ang malupit na sinapit ng isang volunteer sa Manila Public Health na si Gary. Limang taon na siyang volunteer doon kapalit ng mga gamit ng bote para maibenta sa halagang 200 pesos kada araw.
Sa sumbong na inilapit ni Gary sa tanggapan ng Isumbong mo Kay Tulfo! sa radyo, hindi na kami nagulat kung paano isinalaysay ng biktima ang kalupitang inabot niya sa kamay ng mga pulis ng Sta.Cruz, Manila.
Kuwento ng biktimang si Gary, January 25, 2011, ng mangyari ang insidente. Lumapit sa kanya ang isang empleyado upang magpatulong na hanapin ang kanyang bag na nawawala. Dahil kakilala niya ito, agad siyang tumulong.
Subalit makailang oras na paghahanap at hindi nila mahagilap kung sino ang kumuha ng bag, laking gulat ni Gary ng bigla siyang damputin ng mga pulis. Ang kaniya daw kaso, pagnanakaw o theft.
Pagdating sa presinto, pilit siyang pinapaamin ng mga pulis ng Sta. Cruz, Manila sa bintang na pagnanakaw.
Nanindigan ang biktima na hindi siya ang nagnakaw ng bag. Dito na nagsimulang pahirapan at saktan ang pobreng biktima.
Sa loob ng torture room este interrogation room, maka-ilang ulit na pinagpapalo sa talampakan ang biktima hanggang sa magkulay ube ang mga paa nito. Hindi pa nakuntento, ilang suntok at sapak sa mukha pa ang tinamo ni Gary.
Nang hindi pa rin siya mapaamin sa kasalanang hindi niya ginawa, sinupot ang ulo at makailang ulit na nilublob sa timba ng tubig at pagkatapos ay kinuryente sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Di makagulapay at parang baboy na initsa sa loob ng kulungan matapos pahirapan ang napagbintangang biktima.
Wala namang kamalay-malay ang pamilya ni Gary sa hirap na dinadanas nito nung mga oras na iyon dahil hindi siya binigyan ng pagkakataong makatawag sa kanyang pamilya upang ipaalam ang kanyang sitwasyon.
Gabi na ng mapuntahan si Gary ng kanyang mga kamag-anak, salamat sa kanilang kapitbahay na nakapagsabi kung nasaan nakakulong si Gary. Nang makita ng kanyang ama ang kanyang kalagayan, agad nilang inasikaso ang piyansa, mailabas lang ito.
Nang makalabas, agad itong tumakbo sa tanggapan ng Isumbong mo Kay Tulfo sa radyo para ihayag ang kanyang malupit na karanasan.
Abangan ang aksyon at imbestigasyong isinagawa ng grupo ng Isumbong mo kay Tulfo at sa kaso ng pangtotorture ng mga pulis Sta. Cruz ng Manila.
- Latest
- Trending















