Overhaul
INIUTOS na ni President Aquino na i-overhaul ang buong sistema ng bilangguan sa Pilipinas, sa kabila ng mga rebelasyon na ilang mayayaman at maimpluwensiyang bilanggo ang nakakatanggap ng VIP treatment. Sa paghuli kay dating Batangas Gov. Antonio Leviste habang nasa labas ng New Bilibid Prison, napatunayan ang matagal nang sinasabi na mas masarap ang buhay ng mga mayayamang kriminal kaysa mga ordinaryong kriminal. Mas maganda ang selda, may mga kapritso ng buhay katulad ng cell phone at baka internet pa nga, at nakakalabas sa lansangan! Lahat tila may pahintulot ng mga guwardiya at opisyal ng mga bilangguan! May lumalabas pang anomalya ukol sa budget ng pagkain ng mga bilanggo kung saan may kupit ang mga guwardiya at opisyal! May nawawalang dayuhang bilanggo, at may napapatay pa sa loob. May bilanggo na puwedeng arkilahin para pumatay!
May lumalabas pa na ang asawa daw ng isang dating presidente ng bansa ay tinawagan ang dating director ng NBP, para pakiusapan na “asikasuhin” ang isang nakakulong na kaibigan. Siyempre, todo tanggi ang dating Unang Ginoo na kinausap daw niya si dating director Dionisio Santiago. Ang mahirap naman kasi, maraming nasisiwalat lang kapag matagal nang nangyari ang mga insidente! Kung isiniwalat lang kaagad ni Santiago ang nangyaring tawag na ito ng dating Unang Ginoo sa kanya, siguro mas maiimbestigahan! Habang tumatagal, nawawala na ang kredibilidad ng pahayag dahil mahirap nang patunayan. Depensa ni Santiago, paano niya isusumbong ang asawa ng presidente? Humingi siya siguro ng tips kina Jun Lozada at Joey de Venecia, na nagsiwalat ng mga anomalyang sangkot ang unang pamilya habang nasa kapangyarihan.
Pero kahit anong pagtanggi pa ang gawin na ng mga opisyal ng mga bilangguan ngayon, hindi na mapipigil ang pag-overhaul ng buong sistema. At ang unang dapat gawin ay sibakin ang lahat ng tauhan ng NBP. Ang mga bulok na sistemang kasalukuyang tumatakbo sa NBP ay malalim na masyado ang ugat. Kahit palitan pa ang ilang mga guwardiya, siguradong magpapatuloy ang mga patakaran at bulok na pamamalakad sa NBP, dahil sa tingin ko lahat sangkot. Palitan mo ang ulo, masama naman ang katawan.
Ang isyung ito ukol sa kabulukan sa mga bilangguan ay dapat malinis at maasikaso kaagad. Ang hustisya ay isa sa mga pondasyon ng isang maayos na lipunan. Kapag walang tamang hustisya, maguguho ang lipunan. Ang mga rebelasyon ukol sa mga bilangguan ay pagbabalewala na sa hustisya. Kung hindi rin lang mapapatatag ng gobyerno ang hustisya, baka ang taumbayan na lang ang manghuhusga, para mabilis, at wala nang anomalya!
- Latest
- Trending