Lagi nang handa!

ISANG malakas na bagyo – si “Chedeng” – ang papalapit na sa bansa at baka magbuhos daw ng mala-Ondoy na ulan sa Metro Manila. Bagama’t hindi direktang tatamaan ng bagyo ang siyudad, ganito kaaga ay naghahanda na ang lahat ng ahensiya at sangay ng gobyerno para sa anumang dumating na kalamidad dulot ni Chedeng. Pinalikas na ang mga residenteng nakatira sa kilalang binabaha na lugar. Handa na ang mga bangkang goma para sa anumang delubyo na dadating. Mabuti naman at kahit papaano, natuto tayo sa Ondoy. Hindi na kampante ang lahat kapag may nababalitaang bagyo na parating kundi naghahanda na.

Sana ay maayos na rin ang PAGASA sa kanilang mga ulat ukol sa lagay ng panahon. Natatandaan ninyo noong isang taon, hepe ng PAGASA ang unang nasibak ni President Aquino dahil hindi nababalaan ang Metro Manila ukol sa pagdating ni bagyong Basyang. Ayon naman sa ibang mga taga-PAGASA, napulitika rin daw si Dr. Prisco Nilo. Anuman ang dahilan, ang mahalaga ay tumatakbo pa rin nang maayos ang PAGASA. Ayon sa nasibak, mga luma na rin kasi ang kagamitan ng PAGASA kaya kadalasan, nag-eestima na rin sila ng dadaanan ng isang bagyo. Ikinagalit ito ni President Aquino dahil may budget naman daw ang PAGASA, kaya nasibak. At nabili na kaya ang mga bagong kagamitan na kailangan nila?

Ang Pilipinas ay halos unang bansa sa silangang Asya na tinatamaan ng mga bagyo galing sa Pacific Ocean. Suwerte nga ng mga bansa na nasa likod natin katulad ng Taiwan, Vietnam at hilagang China kasi humihina na ang mga malalakas na bagyo kapag dumaan na sa Pilipinas. Kaya mahalaga na moderno at magagaling ang ating mga tauhan sa PAGASA. Sila ang taga-bantay ng mga bagyo na puwedeng manira ng buhay ng marami. Kung hindi tama ang kanilang mga ulat ukol sa kilos ng isang malakas na bagyo, buhay at kagamitan ang nalalagay sa peligro. Maaari naman silang makipag-konsulta sa ilang mga katulad nilang ahensiya sa buong mundo sa pamamagitan ng internet. Tanggapin na natin na kung hindi nga moderno ang kagamitan, kailangan natin ng tulong mula sa mga ahensiya na meron.

Show comments