ANG konsepto ng separation of powers ay naglalayong ipaghiwalay ang mga kapangyarihan ng pamahalaan sa tatlong malaking kagawaran nang maiwasang masakamay ng iisang tao o institusyon (kadalasan ang presidente) ang katakut-takot na puwersa ng gobyerno. Halos lahat ng bansang demokratiko ay may mapait na kasaysayan sa kamay ng mga diktador na lumutang nang hindi napangatawanan ang mga institusyon ng malayang pamamahala.
Hindi layunin ng prinsipyong ito ang pagharap-harapin at pag-awayin ang presidente, ang Kongreso at ang Hukuman. Ang totoo’y tinatayang sa ganitong paglalayo sa kanila, mas mababantayan nang walang mang-abuso o mang-agaw ng hindi kanya. Mapapalawig ang respetong nararapat sa isa’t isa.
Siyempre, hindi rin ito balakid na ang tatlo’y magtrabaho nang nagtutulungan. Kung milagrong maiwasan ang bangayan at magbigayan, ok. Taumbayan ang panalo kapag maganda ang takbo ng makina ng gobyerno. Pero mukhang mahirapan mangyari sa kasalukuyang administrasyon. Sa umpisa pa lang ay na-jinx na ang anumang pag-asa nang binastos ng presidente ang Chief Justice na pinuno ng Judicial Branch. Kasunod nito’y nagwalang pakundangan ang mga Gabinete na ilahad sa publiko ang kanilang kawalan ng respeto sa mga desisyon ng hukuman na hindi pumabor sa posisyon ng presidente.
Ano pa ba ang aasahan kung ang relasyon sa pagitan ng mga kagawaran ay nabasbasan ng ganitong umaapoy na tubig? Tingnan na lamang ngayon ang kanilang relasyon: Hindi pa rin mapigilan ng Executive na hayagang kuwestiyunin ang mga desisyon ng Hukuman. Sa Sandiganbayan plea bargain case, kinalimutan ng Malacañang ang respetong dapat lang ibigay sa Sandiganbayan bilang institusyon at binatikos agad ang desisyon nito. Nahawa na rin ang Lehislatura: Green light na ang impeachment complaint laban sa isang Associate Justice kahit pa hatol na ng Supreme Court na walang katotohanan ang mga paratang sa kanya.
Kampante naman tayo na matibay ang ating mga institusyon at malalampasan ang ganitong warfreak mentality. Kung ang paraang pinapakita ng presidente upang respetuhin ang separation of powers ay ang subukan ang hangganan nito, ok lang yun. Huwag lang ito mapabilang sa pinagmamalaki niyang “working hard” dahil hindi ito nakaka-tulong sa pagsolusyon ng problema.