MERONG exposé si mambabasa Julio M., tungkol sa tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Manila International Airport:
“Nag-memo si President P-Noy sa screening ng mga papaalis na mamamayan, kontra sa human smuggling. Ginagamit ng mga tiwali ang memo para pangotong; kumbaga, naka-dagdag pangil pa. Nabiktima ako, pero hindi ako nagpakotong, miski ma-offload ako sa flight.
“Ganito ang modus operandi. Sa BI counter, pinapa-fill-up ng form, tawag ay Indicator List, ang may tourist visa. Paaalisin muna sa pila. Pag filled up na, papupuntahin sa BI supervisor, na hihingin ang kung ano-anong papeles: Roundtrip plane ticket, sponsor sa bansang pupuntahan, affidavit of support, hotel reservation, pati birth certificate o dami ng cash na baon. Samantala, nauubos ang oras ng pasahero, kaya mapipilitang maglagay para palusutin na.
“Alam kaya ito ni bagong BI chief Ricardo David?”
Sagot ni David: “We have addressed the issue. We have instituted reforms to fight corruption in the BI.”
* * *
Mula kay senior citizen Elpidio Francisco: “Sumakay ako ng FX taxi mula Antipolo hanggang Cubao, Quezon City. Nang ipakita ko ang senior-citizen card para sa 20 percent discount, ten percent lang ang ibinawas. At tinawanan pa ang kapansanan ko. Di ba bawal ‘yon?”
Ayon sa Expanded Senior Citizens Act of 2010 (R.A. 9994), dapat bigyan ng 20-percent discount ang matatanda sa pamasahe sa public utility vehicles. At bawal laitin ang kapansanan ninoman.
Isumbong ang violators sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board: hotline 4813, o mobile 0918-9447951.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com