ANG aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ay ginawaran ng Most Outstanding Government Service Award ng prestihiyosong Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation, Inc.
Sa ginanap na 42nd awarding ceremonies ng nasabing grupo, sinabi ni Mrs. Corazon Samaniego, foundation president, na pinili nila si Jinggoy para sa naturang parangal dahil sa kanyang “invaluable service to the government and the Filipino people and his untainted record and meaningful projects throughout his political term.”
Ang Guillermo Foundation, bukod sa pagiging isang award-giving body, ay aktibo sa adbokasiyang pagtulong sa mahihirap na kabataan na magkaroon ng edukasyon. Sa ngayon ay libu-libo nang kabataang Pilipino ang naging benepisyaryo ng foundation. Pinapurihan din ng grupo si Jinggoy sa kanyang “continued commitment to support and help uplift the entertainment industry.”
Sa kanyang pagtanggap ng award, sinabi naman ni Jinggoy na “I thank the Guillermo Foundation for choosing this humble representation for such high honors. I am happy that as I receive my very first award in public service as a Senator, I am in the company of my friends and colleagues in the entertainment industry. That makes it even more special.”
Si Jinggoy ay nagsimula sa kanyang political career sa edad na 25 bilang vice mayor ng San Juan at pagkatapos ay nahalal bilang mayor sa tatlong consecutive terms. Nagsilbi rin siyang National President ng League of Municipalities of the Philippines mula 1998 hanggang 2001.
Noong May 2004 ay inihalal siyang senador at noong May 2010 election ay muli siyang iniluklok ng taumbayan sa ganoon ding posisyon. Ilan sa mga panukalang batas ni Jinggoy para sa pag-unlad ng entertainment industry ng bansa ay ang Senate Bill 2549 (Local Film Development Act of 2010) na magtatatag ng Philippine Film Commission; at ang Senate Bill 82 na naglalayong bigyan ng mga insentibo ang mga proprietor at operator ng mga sinehan.