Sandigan justices nagbingi-bingihan
SA pagkatig ng Sandiganbayan Second Division sa kuwestiyonableng plea bargain ng Ombudsman kay Maj. Gen. Carlos Garcia, tiyak nakini-kinita ng tatlong justices ang magiging ngitngit ng bayan. Kasi noon pa lang inuusisa sa Senado at Kamara de Representantes kung bakit nakipag-plea deal si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa plunderer na dating Armed Forces comptroller, lumitaw na ang sentimiyento ng publiko. Sa isang sarbey 83% ng respondents ang nagsabing guilty si Garcia kaya umiiwas sumagot sa mga simpleng tanong.
Dahil dito, ani ponente Justice Samuel Martires na hindi sila nagpadala sa sentimiyento publiko. Emosyonal umano ito at mababaw ang pag-unawa sa mga detalye ng kaso. Samantala raw batid nila nina Justices Edilberto Sandoval at Teresita Diaz-Baldoz ang katotohanan.
Pailalim ang pasakalye ni Justice Martires. Pinalalabas na sila lang ang tama, at mali ang mamamayan. Ikinubli nito ang mga katotohanang lumabas sa maraming hearings sa Kongreso.
Halimbawa, may mga bagong ebidensiya ng plunder na inilahad sina Colonels George Rabusa at Antonio Ramon Lim, mga dating budget officer at assistant ni Garcia. Naroon din ang sadyang pagpapahina ng Ombudsman special prosecutors ng kasong plunder sa pamamagitan ng pagpresenta sa korte ng apat na dating tau-tauhan ni Garcia sa Armed Forces Finance Center para kontrahin ang testimonya ni noo’y state auditor, ngayo’y Commissioner on Audit Heidi Mendoza.
Ito ang mga rason kung bakit isa-isa umamin sa Kongreso sina Gutierrez, mga deputies at special prosecutors na kung dati pa nila nalaman ang mga bagong detalye, e di hindi na sana sila nakipag-plea bargain. ‘Yan ang pinagtakpan ng kustices sa kanilang desisyon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: mailto:[email protected]
- Latest
- Trending