ALAM ng BITAG ang pakiramdam ng inang lumapit sa aming tanggapan sa pagkaka-kidnap umano sa kanyang anak.
Nag-aalala ito at patuloy na namumroblema sa kakahanap ng ransom money na hinihingi ng kidnapper na kanyang dating kapitbahay.
May isa lamang itong kakaibang ikinikilos, tila kilalang-kilala niya ang suspek dahil hindi maawat ang bibig nito kakukuwento tungkol sa kidnaper. Bukod dito, hindi man lamang naiyak o naluha ang inang nag-aalala sa anak.
Sinubukan naming pakinggan ang pag-uusap ng nagrereklamo at ng kidnaper. Pinatawagan namin ito sa inang kasalukuyang nasa tanggapan ng BITAG.
Lahat ng aming camera, nakakasa upang masiguro na walang pag-uusap o salita na magmimintis sa nasabing transaksiyon.
Unang buga pa lamang ng suspek, tila kampante itong kausap ang ina. Nagbibiro pa at pautos ang tono nito na maghulog agad ng pera sa alinmang remittance center.
Walang halong pananakot na may gagawing masama sa bata kapag hindi ito naghulog. Inaaya pa ng suspek na pumunta ang ina sa kanilang kinaroroonan upang makuha ang anak nito.
At nang makausap ng ina ang bata sa cellphone, ang nakakagulat ay masayang-masaya ang bata.
Kapansin-pansin ang pagiging kampante nito sa suspek dahil mas kinakausap pa ng bata ang kidnaper na kaniyang katabi kaysa sa inang nasa telepono.
Unti-unti nang naglalaro sa isipan ng BITAG ang sitwasyong ito. Hangga’t ang pinakahihintay naming ebidensiya ay nasambit na ng suspek…tinawag nitong “Mahal” ang inang nagrereklamo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng BITAG, nagkaroon ng relasyon ang suspek na kapitbahay sa ina ng bata.
Ang siste, tila naging “sugar mommy” ng kidnaper ang inang nagrereklamo at ginawa nitong collateral ang bata dahil posibleng ayaw na nitong magsustento sa kaniya.
Dito na umiyak ang ina. Hindi na namin inalam pa kung dahil sa pag-aalala sa anak o sa takot sa BITAG dahil nadiskubre namin agad ang katotohanan sa kaniyang sumbong na kinidnap ang kaniyang anak…
Abangan sa BITAG ang tagpong ito.