INAPRUBAHAN na ng dalawang kapulungan na mam-babatas ang GOCC Governance Act of 2011. Ang ku lang na lang ay ang pirma ni President Aquino. Kapag napirmahan na, mawawala na ang lahat ng abusadong benepisyo at pasuweldo sa mga opisyal at empleyado ng government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Sa unang talumpati ni P-Noy nang siya’y maging presidente ng Pilipinas, binanggit niya ang mga pang-aabusong ito ng mga korporasyon sa ilalim ng dating administrasyon, katulad ng natanggap na 36th month bonus ng mga taga-MWSS noong 2008! Ang ibang kompanya hirap na sa 13th month na bonus, samantalang ang MWSS ay tatlong taong suweldo ang binigay na bonus! At sa MWSS pa lang iyan! May mga okasyon sa ibang korporasyon na pumunta ka lang sa miting, may kulang-kulang bente mil ka na! May pa-bigas, pa-gasolina, pa-ospital, pa-outing, pa-pamilya lahat na ng pwedeng kapritso na lahat, sagot ng mamamayang Pilipino!
At hindi na raw pwedeng manikurista ang uupo sa board ng isang korporasyon! Ito ang ginawa ni dating President Arroyo sa kanyang matagal nang manikurista. Kailangan ang mga uupo sa board ay mga karapat-dapat na aral na tao, at hindi kung sinu-sinong kaibigan lang ninomang mataas sa gobyerno! Ang kapansin-pansin ay walang ni isa ang umangal mula sa mga empleyado na sobra-sobra ang kanilang natatanggap mula sa isang kompnaya na pag-aari ng gobyerno. Talagang totoo na marami ang nasisilaw sa pera, kahit galing na sa maling pamamaraan. Iilan lang ang may karangalan na punahin ang mga ito. Kapag batas na ito, tapos na ang mga maliligayang araw ng lahat ng mga iyan! Inabutan na sila ng pagbabago, ng tuwid na daan!
Angal naman ng mga kaalyado ng dating admi-nistrasyon ay pinag-iinitan daw sila at hindi yung mga kaalyado ni P-Noy. Kaya naman tila sila ang pinag-iinitan dahil sa kanila naman galing ang lahat ng mga anomalyang nauungkat ngayon! Halos walang tigil ang mga rebelasyon na korapsyon at katiwalian mula sa dating administrasyon! Kailan lang ay yung sa TESDA naman, na may malaking utang sa mga training center na ginamit para sa mga pumasok dito. Di ako magtataka kung may mauungkat pa itong mga darating na buwan. Pero sigurado naman ako na malilinis lahat iyan. Sana lang ay may makulong na sa lahat ng mga nauungkat na ito. Katulad sa Customs, nakakasuhan ang mga negosyante at korporasyon, pero tila wala pang natitimbog na taga-Customs.
Hindi magagawa ng mga akusadong kompanya at negosyante ang mga kasalanan nila, nang walang tulong mula sa mga tauhan sa Customs at kung saang ahensiya pa ng gobyerno, na karamihan ay mga tauhan pa rin mula sa dating administrasyon!