PARANG nagbago ang ihip ng hangin sa EDSA nitong mga nakaraang araw. Kung mapapansin n’yo, malaking bilang ng mga pesteng higanteng billboard ang natanggal na sa magkabilang gilid ng pangunahing lansangan ng Pilipinas.
Sa pagbaklas ng mga garapal na billboard – sa Ingles ay “eyesores”, muli tayong nakikilala sa ganda ng mga tanawin at bigla ring lumiwanag ang paligid dahil hindi na nakakubli ang langit.
Subukan n’yo. Ang pinakamagandang parte ng biyahe pa-Makati ngayon ay ang paglapit sa Guadalupe bridge. Natanggal na ang dating mga higanteng pader ng billboard sa slope ng San Jose Seminary. Lumutang ang natabunang mga halaman. Parang biglang ni-landscape ang EDSA: Magandang gubat ang sasalubong at maghahatid ginhawa sa paningin, karagdagang oxygen kontra polusyon. At dahil walang nang haharang sa sinag ng araw, maaasahang lalong uusbong ang mga halaman, bagay na lalong kapaki-pakinabang sa lahat.
Dineklara ng Mataas na Hukuman noong 1915 sa kasong Churchill and Tait vs. Rafferty na ang mga batas o regulasyon na nagbabawal sa lehitimong negosyo ng adverstising na magtayo ng billboard sa tabi ng pangunahing lansangan ay walang nilalabag na karapatan. Ito’y dahil katungkulan ng pamahalaan ang ipaglaban ang “general welfare” ng bayan. Kung ang mga sobrang ingay o ubod ng baho ay naipagbabawal bilang “nuisance” sa ating pandinig at pang-amoy, ang atin ding paningin ay maari ring proteksyunan laban sa tanawing walang kabutihang idudulot. Hindi naman ang negosyo ng Billboard mismo ang pinagbabawal – huwag lang ito itayo sa tabing kalye.
Higit sa sinag ng araw, sinag din ng magandang serbisyo ang naaaninag dito. Kay tagal nang nasasakal ng mga higanteng billboard ang motorista at residente ng Metro Manila. Kayrami na ring nadisgrasya o nagmuntik-muntikan dala ng peligro ng matataas at mabibigat na istruktura. Kung meron mang accomplishment na maipagmamalaki ang administrasyon, pakisama n’yo na ho ito. Bravo MMDA Chairman Francis Tolentino at sa lahat ng kanyang tauhan. Ta-nging sa ilalim ng adminis-trasyon ni Chairman Tolentino nagawang tanggalin ang mga billboard na puro may violation. Bravo!
MMDA and Chairman Francis Tolentino GRADE: 96!