Ang nagpapanggap na biyuda

UMALIS si Charlie (hindi tunay na pangalan) sa Hong Kong noong 1949 upang magtayo ng isang kompanya sa timog na bahagi ng Pilipinas kasama ang dalawa pang kapwa Intsik. Naiwan niya ang asawa at apat na anak sa Hong Kong pero madalas naman niyang dalawin at padalhan ng suportang pinansiyal ang pamilya. Habang nasa Pilipinas, nakilala niya si Chinita, isang Pilipina na may lahi rin na intsik. Naging magkalapit na magkaibigan sina Charlie at Chinita hanggang sa tuluyan na silang magsama. Samantala, ang negosyong hardware na itinayo ni Charlie at ng dalawa niyang kasama ay patuloy na lumago. Marami silang nabili na mga ari-arian dito sa Pilipinas at maging sa Hong Kong. Marami sa negosyong kanilang pinundar ang kumita nang todo. Sa loob ng 15 taon, naging milyonaryo sila.

Pero ang iniisip ni Chinita ay hindi lang para sa nga-yon kundi para na rin sa hinaharap. Gusto niya ng mas matatag na estado sa mga yaman ni Charlie at hindi niya ito magagawa habang simpleng kalive-in partner lang siya. Gusto niyang maging legal na ang pagsasama nila ni Charlie sa pamamagitan ng kasal. Ang iniisip naman ni Charlie ay malalagay siya sa alanganin kapag sinunod ang gusto ni Chinita lalo at may pamilya siya sa Hong Kong. Walang nangyari sa pangungulit ni Chinita na magpa-kasal sila ng lalaki. Hanggang namatay si Charlie.

Agad nagsampa ng reklamo si Chinita sa mga kasosyo sa negosyo ni Charlie. Ayon sa kanya, bilang tanging taga­pagmana ni Charlie ay kailangang ipaalam sa kanya ang lahat ng ari-arian ng grupo at kailangang ibigay sa kanya ang ikatlong bahagi nito. Upang patunayan ang kanyang karapatan, nagsumite siya ng isang sertipikasyon mula sa isang tao na umano ay nagkasal sa kanila. Ang mga kasosyo naman ni Charlie ay nagpakita ng kontra ebidensiya. Hindi raw siya puwedeng maging tagapagmana ng lalaki dahil may asawa ito at apat na anak sa Hong Kong. Patunay dito ay ang deklarasyon mismo ni Charlie sa ITR o income tax return. May laban ba si Chinita?

WALA. Ang pinakamabisang ebidensiya ng kasal ay ang ori­hinal na kopya ng ma-rriage con­tract. Kahit puwede naman gu­ mamit ng ibang ebidensiya, kailangan muna na maipaliwanag na mabuti kung bakit wala ang marriage contract. Siyempre, hindi matatanggap ang sertipikasyon lang ng taong diumano ay nagkasal sa kanila kung ang pagkawala ng marriage contract o ang dahilan kung bakit hindi ito inilabas sa korte bilang ebidensiya ay hindi maipaliwanag. Ito ang desisyon sa kasong Lim Tanhu vs. Ramolete, 66 SCRA 425.

Show comments