Peryahan na may sugalan
Kaya pala naglipana ang peryahan na may sugal sa Batangas ay dahil sa isang alyas Tessie. Maaring may kautusan si PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo na supilin ang sugal na color game sa mga peryahan subalit hindi ito maipatupad ni Sr. Supt. Alberto Supapo, PNP provincial director ng Batangas dahil sa kumare niyang si Tessie. Ang relasyon nina Supapo at Tessie ang dahilan kung bakit naging pugad ng color games ang Batangas. Nagtatago kaya si Bacalzo sa media para hindi siya matanong tungkol sa laganap na sugal sa Batangas? At ano kaya ang role ni Batangas Gov. Vilma Santos sa pasugalan sa mga perya ni Tessie? ‘Yan ang dapat sagutin ni Santos sa sambayanan. Dapat lang sigurong palitan ni Santos si Supapo para masawata ang pasugalan ni Tessie sa Batangas.
Para sa kaalaman ni Bacalzo ang mga puwesto ni Tessie na kumare ni Supapo ay matatagpuan sa Cuenca, Alitagtag, Baun, Gulod, Labak, Santolan, Mabini, San Vicente at San Jose. Sa Calatagan ang financier ng perya ay si Rodel Macalindong, sa Balete at Lipa City ay si alyas Yolly, sa Alangilan si Tina at sa Rosario ay si Jun Alona. Kung si Tessie ang ipinagmalaki ay si Supapo, si Alona naman ay si alyas Boy Pineda na kolektor ng lingguhang intelihensiya. Teka nga pala. Pakihambalos mo Sr. Supt. Eric Velasquez, Quezon police provincial director, ang puwesto ni Jun Alona na malapit sa Pacific Mall sa Lucena City.
Para matapos na ang pagyayabang ng magkum-pareng Alona at Pineda na malakas sila sa ‘yo.
At sino si alyas Cris Ibon na ipinangalandakan din ng tropa ni Tessie na may basbas kung sino ang papasok na illegal sa probinsiya nina Bacalzo at Santos? Kung hindi makakilos si Supapo laban sa kumare niya na si Tessie, puwede namang utusan ni Bacalzo si Chief Supt. Gil Meneses, ang hepe ng Calabarzon police. Dapat masawata na ang peryahan sa Batangas dahil ang mga kabataan ang malimit na nagsusugal sa mga color games, ayon sa sumbong na nakarating sa akin.
Abangan!
- Latest
- Trending














