Dugo ang puhunan
Limang DOH secretaries. Nagkaisa at nakiisa sa kampan-ya para sa regulasyon ng sigarilyo at tobacco products. Nagmukha ngang labanan ng mga heneral nang mismong si Health Secretary Enrique Ona ang nagdesisyong harapin ang mga tobacco companies sa pagkuwestiyon nila sa legalidad ng administrative order (A.O.) ni dating Health Secretary Cabral na naglalayong lagyan ng litrato ng mga sakit at peligrong dala ng paninigarilyo ang mga kaha nito.
Nagtatagumpay ang kampanya laban sa pagbabawal ng paninigarilyo sa lipunan. Sa mga pampublikong gusali, halos lahat ng lungsod ay may ordinansang nagtatakdang ihiwalay ang lugar para sa mga nais pangatawanan ang pangangailangan. May mas agresibong lugar sa Bisayas tulad ng Amlan at Zamboanguita na maging ang outdoor advertising sa mga produktong tobacco ay ipinagbabawal.
Kalat na ang datos tungkol sa koneksyon ng halos 4,000 kemikal na laman ng isang sigarilyo kabilang dito ang formaldehyde (pang-embalsamo), benzene (petrol additive), ammonia (toilet cleaner), carbon monoxide (buga ng tambutso), nikotina (insecticide) at tar---- sa mga malubhang sakit na dulot nito sa mga naninigarilyo at mga nakakalanghap ng usok nito. Simpleng-simple --- ang paninigarilyo ay nakalalason.
Marami nang namatay. Ilang buhay na ang naapektuhan ng patuloy at walang pakundangang pagprodyus at pagbenta ng sigarilyo sa kapwa tao.
Mga 14 years din akong chain smoker (umabot ng 3 packs a day) hanggang sa edad 25 ay nagdesisyong bawiin ang kalusugan sa kamay ng siguradong kapahamakan. At sa araw ding iyon ay tinalikuran ko ang sigarilyo. For good.
Fourteen years kong sinugal ang katawan sa sigarilyo. Dugo ang puhunan kong itataya sa debate ng regulasyon ng tabako.
Ipinagbawal man ng batas ang mass media advertising ng sigarilyo, ang pinakamalakas nilang advertisement ngayon ay ang isang presidenteng napakalakas manigarilyo.
Panahon na upang himukin ang isang multi-trillion dollar industry na gawin ang kanilang responsibilidad sa lipunan at makiisa sa mga haligi ng kalusugan sa pagsasagawa ng pinakaepektibong paraan upang mapagbigay alam sa mga mamimili ng sigarilyo ng negatibong epekto nito sa kanilang katawan. Kapalit nang malaking kita ng mga kampanyang tabako ang pagbagsak ng kalusugan ng mga kostumer nito. May tunay na kalayaan lamang sa pagpili (free choice) kapag nabigyan sila ng tama at kumpletong impormasyon na pagbabasehan nito.
- Latest
- Trending