Airport at pantalan: Wish ng mga taga-Calayan

NAPAKAGANDA ng bayan ng Calayan sa Cagayan Valley. Ito ang napag-usapan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.

Sa mga litrato pa lang ay kitang-kita ang pagiging mala-paraiso – virgin forest, puting buhangin, malinis at mayaman na karagatan. May mga impormasyon na sa Calayan yata gaganapin ang isang fishing tournament na in-organize ni Congressman Albee Benitez.

Masasabing ang naturang island municipality “can speak volumes of opportunities” laluna para sa sektor ng turismo at siyempre ay sa lokal na ekonomiya. Subalit ang napakalaking potensyal ng Calayan ay mananati-ling pangarap kung hindi sila magkakaroon ng maayos na transportation facilities laluna ng airport at pantalan.

Base sa mga impormasyon, nagsagawa ang Department of Transportation and Communication (DOTC) ng pag-aaral upang magkaroon ng paliparan at pantalan ang Calayan noong nakaraang administrasyon pero hindi naman ito pinondohan ni Ginang Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang Individual Project Program of Work para sa Calayan Airport Development Project ay ginawa ni Engr. Rolando Lara habang ang Individual Project Program of Work naman para sa Calayan Port Development Project ay ginawa ni Engr. Wilfredo Cruz. Inaprubahan ni DOTC-Project Management Service Director Guillermo Leonardo ang mga report nina Engr. Lara at Engr. Cruz.

Ayon kay Jinggoy, isusulong niya ang panawagan para ipursige ng pamahalaan ang pagpapaunlad sa Calayan. Sigurado siya na susuportahan ng mga kapwa mambabatas laluna ni Senate President Juan Ponce Enrile ang naturang panawagan kina President Noynoy Aquino, DOTC Secretary Ping De Jesus at Budget Secretary Butch Abad na maipagkaloob ang matagal nang “wish” ng mga taga-Calayan na magkaroon sila ng airport at pantalan upang mabisita ng mga turista ang napakagandang bayan na ito sa gitna ng Aparri, Cagayan at Basco, Batanes.

Show comments