MAYROON nang aral na makukuha sa pinaka-kontrobersiyal na Ombudsman na si Merciditas Gutierrez na nagbitiw kahapon. Sa pagpili sa magiging kapalit niya, dapat nang maging maingat upang hindi na maulit ang mga nakakadismayang pangyayari. Dapat ang pipiliin ay yung taong magbabantay sa kapakanan ng taumbayan at walang kikilingan. Pangunahing tungkulin ng Ombudsman ay i-prosecute ang mga kawatan at mandarambong, aksiyunan ang mga kontrobersiyal na kaso at siguruhing maihahatid ang hustisya sa mga inapi o tinampalasan. Ang Ombudsman ay nararapat na walang nakikita sa paglalapat ng parusa. Hindi rin siya tumitigil sa paghahanap ng katotohanan.
Noon pa maraming nagmungkahi na magbitiw sa puwesto si Gutierrez pero tumanggi siya. Katwiran niya ay wala siyang ginagawang kamalian. Malinis ang kanyang konsensiya. Kahapon, sa press conference, muli niyang inulit na wala siyang ginawang kamalian at malinis ang kanyang konsensiya. Personal niyang ibinigay ang resignation letter kay President Aquino. Epektibo sa Mayo 6 ang resignation ni Gutierrez. Sa kanyang pagbibitiw, wala nang magaganap na impeachment proceedings sa Senado. Wala nang balitaktakan at kung anu-ano pang mga seremonya. Nagbitiw si Gutierrez, dalawang linggo bago ang naka-schedule na impeachment.
Sa kanyang pagbibitiw, maiiwan naman ang mga katanungan kung ano ang mangyayari sa P728 million fertilizer fund scam, ang Euro general case, ang 2004 Mega Pacific deal, ang NBN-ZTE deal, at ang Philip Pestano case. Ang mga nabanggit ay pawang tinulugan ni Gutierrez. Sa loob nang mahabang panahon, walang nangyari sa mga kaso. Si dating President Gloria at asawang Mike Arroyo ay sangkot sa NBN-ZTE subalit naabsuwelto ng Office of the Ombudsman. Ang kaso ng mga police general na bagama’t may umamin ay walang ginawa ang Ombudsman para sampahan ng kaso. Ang kaduda-dudang pagkamatay ni Navy Officer Pestano ay wala ring nangyari. Naghahanap ng hustisya ang mga kaanak ng navy officer subalit ipinagkait sa kanila.
Maraming natuwa sa pagbibitiw ni Gutierrez pero mas marami ang masisiyahan kung makapipili nang mahusay na Ombudsman.