Maruruming lugar iwasan, batikusin
NAPAHIYA ang pamunuan ng Manila International Airport Authority. Inilantad ng global budget travelers na ito ang ika-lima sa mundo, at una sa Asya, na pinaka-swangit na airport. Umano pangit ang mga pasilidad, tulad ng mahinang aircon o kakulangan ng immigration counters o kahinaan ng security. Higit sa lahat, mapanghi raw ang mga palikuran. Kaya lilinisin at babaguhin daw ng MIAA ang lahat ng kubeta sa NAIA terminals. Pababanguhin daw.
Ipinangalan sa ikatlong kinikilalang bayani sa surveys, si Ninoy Aquino, ang Manila airport. Nakakahiya sa lahat ng Pilipino at dayuhan na hindi man lang malinisan ang mga kubeta roon. Mga burara lang ang sasalungat sa gan’ung opinyon -- mga hindi nakakaalam ng wastong asal. “Cleanliness is next to godliness,” ayon sa mga dayuhan. Gan’un kahalaga sa kanila ang kalinisan, na nangangahulugan din ng kalusugan at kapaligiran. Dapat matutunan ‘yun ng lahat.
Hindi lang mapanghing kubeta o palpak na aircon, immigration at seguridad ang kasuklam-suklam sa NAIA. Pansinin mo ang sinisingil sa iyo na terminal fee -- P200 sa domestic, P750 sa international. Bilang kapalit nito, ni walang water fountains para pawiin ang uhaw mo. Kailangan bumili ka pa ng bottled water sa accredited na tindahan.
Hindi lang ang NAIA kundi lahat ng airport sa Pilipinas ang low-quality. At hindi lang airports kundi lahat halos ng gusali ng gobyerno -- police stations, Land Transportation Office, Bureau of Internal Revenue, local government agencies, atbp. -- ay mapanghi, madilim, mabanas, masangsang, walang upuan. Nakakabuwisit puntahan, kumbaga. Lahat ito, repleksiyon ng kung sino ang namamahala ng opisina. Kung may pagmamalasakit siya, maganda ang palakad, kung wala... e di salaula.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending