MAY katwiran ang mga taga-Palawan na tutulan ang pagmimina sa kanilang lugar. Nangangalap na isang milyong pirma ang mga organizer para tutulan ang pagmimina sa Palawan. Suportahan sana ito para naman makita nang nakararami na maaaring mabuhay ang tao kahit walang mina. Sa pagmimina, mas malaki ang panganib na maubos ang mga tao.
Isang halimbawa ay ang nangyaring pagguho ng lupa sa Bgy. Kingking, Pantukan, Compostela Valley na ikinamatay ng lima katao at may nawawala pang 17. Naganap ang pagguho ng lupa noong Biyernes Santo. Umulan nang malakas sa nasabing lugar. Nakarinig ng ugong ang mga taga-roon at kasunod ay ang pagguho ng lupa na sinundan ng mga putik. Pinaniniwalaang ang mga natabunan ay nasa kani-kanilang bunkhouses na nasa dakong ibaba ng minahan. Karamihan sa mga nalibing nang buhay ay mga small-scale miners. Tinatayang may 20,000 hanggang 30,000 katao sa Compostela Valley ang umaasa sa pagmimina. Ang lugar ay sagana sa ore. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) may 30 bunkhouses ang nasa ibaba ng minahan. Sinuspinde na ng DENR ang pagmimina sa nasabing lugar. Ayon pa sa report, may inireklamo nang isang mining firm sa nasabing lugar --- ang East Coast Mineral Resources na umano’y nagsasagawa ng illegal na pagmimina sa watershed doon. Naaapektuhan umano ang iniinom na tubig sa maraming barangay. Ganoon man sinabi ng East Coast na kumpleto sila sa papeles mula sa DENR at wala silang nilalabag.
Ang DENR ang dapat sumagot sa mga nangyayaring ito na kailangan munang may mamatay bago ipatigil ang pagmimina. Kung walang naguho sa lugar, tiyak na patuloy ang pagmimina. Kung ipatitigil ang mining operation sa Compostela Valley, gawin na ng DENR. Maaari namang mabuhay na walang mina, mas mamamatay ang mga tao kapag nasira na ang bundok. Wala nang pagtataniman at pagkukunan ng tubig. Mamamatay ang mga tao na dilat ang mga mata.