SAYANG lang ang pagsusumikap ng Philippine National Police na mabigyan ng proteksyon ang lahat ng mga pasahero kung ningas-kogon lamang ang ipinapakitang partisipasyon ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ngayon Semana Santa. Mantakin nyo mga suki, halos lahat ng pulis ay pinagbawalan ng leave of absense para mapunan lamang ang pagmamanman sa lahat ng mga bus terminal sa Metro Manila at mga lalawigan.
Alam n’yo mga suki, kahit na mahirap mahagilap si PNP chief Director Gen. Raul Bacalzo sa kanyang opisina ngayong Semana Santa, nakatutuwa naman at ginagampanan naman ni NCRPO chief Director Nicanor Bartolome ang pagkukulang nya. Kasi nga kung nakikiisa si Bacalzo para mabigyan ng proteksyon ang mga motorista tiyak na magpapakalat ito ng mga Highway Patrol Group sa lahat ng mga pangunahing highways sa bansa. Ang kaso busy pa ata si Bacalzo sa pagbabakasyon kaya kakarampot lamang ang mga PNP-HPG na ipinakalat sa mga lansangan. Di bale ipasasagot ko na rin yan kay Bartolome sa mga darating na araw.
Subalit ang katawa-tawa mga suki ay ang LTO at LTFRB na kukuya-kuyakoy lamang sa kanilang mga malalamig na opisina, bihira silang makita sa mga lansangan sa ngayon. Ito ang ipinarating na sumbong sa akin ng ilang motorista. Mantakin n’yo noong Sabado namatay ang sumisikat na actor/model na si AJ Perez sa isang malagim na aksidente sa Moncada, Tarlac. Ang siste, walang mga tauhan ng LTO at LTFRB sa mga lansangan kung kaya bigay todo ang mga kaskaserong drayber. Ang speed limit kasi ay naipapataw lamang sa Metro Manila subalit pagdating sa mga provincial highways ay wala nang silbi ito dahil wala namang mga tauhan ng LTO at LTFRB na nagbabantay.
Dapat itong pag-ukulan ng pansin nina LTFRB chairman Nelson Laluces at LTO chief Atty. Virginia Torres. Puro kayo papogi kulang naman sa gawa. Kung tala-gang nais ninyong makatulong sa mga motorista dapat lamang na manmanan n’yo ang provincial highways lalo ang mga accident phone areas. Ngayong halos lahat ng mga buses ay palaging puno sa pasahero dapat lamang na magmanman kayo upang maiwasan ang aksidente. Huwag ilagay sa peligro ang buhay ng mga motorista. Kung gagampanan lamang ninyo ang inyong trabaho tiyak na maiiwasan ang mga sakuna.
Bantayan din ninyo ang paglaganap ng mga kolorum na sasakyan dahil ito ang kadalasang nagdudulot ng sakuna. Kawawa naman ang mga pasaherong namamatay sa mga kolorum na ito dahil walang kahit na singkong duling na matatanggap mula sa operators. Ito rin ang dahilan kung bakit nanghaharabas ang mga provincial buses sa pagsakay ng pasahero dahil naghahabol din sila ng komisyon mula sa tara ng mga bus companies. Kailangan bang may maaksidente muna bago kayo kumilos Chairman Laluces at Atty. Torres? Abangan!