NAPAKINGGAN ko ang interbyu ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. sa programa ni Ambassador Ernie Maceda sa DZRJ. Napag-usapan ang delay sa pagpalit ni P-Noy sa GMA appointees na hanggang ngayon ay namamayagpag. Nakukuwestiyon tuloy ang sinseridad ng administrasyon sa pagbuo ng team na tutulong na maisakatuparan ang pinangakong programa.
Kung bakit napangangatawanan ni P-Noy ang kabagalan ay hindi ko maintindihan. Maaalalang ang buong kampanya ni President Aquino ay nakaankla sa pangakong babaguhin ang kalakaran ni Gng. Arroyo. Nagtagumpay si Gng. Arroyo sa kanyang maitim na balak dahil sa partisipasyon ng mga kampon. Hindi lamang ang hayagang sakim ang may pananagutan. Guilty din ang mga nagsawalang kibo at nag-“play safe” na kusang hindi umimik habang ang kawalanghiyaan ay nagaganap. Kailangan ng bagong hangin upang maihipan ang baho na iniwan ng 10 taong kabaluktutan. Sa paraang ito lang mapa-ngangatawanan ni P-Noy ang pinangakong pagbabago.
Sa orihinal na 4,300 positions na puwedeng punuan, ilan na ang nalagyan? Ang estima ay halos 60% pa lang. Ang malamyang kilos ay patunay na hindi naman nagmamadali ang administrasyon.
Kaya hindi mawala-wala ang mabigat na kritisismo na hindi seryoso si P-Noy sa trabaho. Sabi nga ng iba, hindi hardworking. Eh kung hindi niya sariling tao ang nakapuwesto, ang ibig sabihi’y ni hindi pa siya nag-uumpisang tuparin ang pinangako. Hanggang sa ngayon, napapailalim tayo kung hindi sa isang GMA administration ay sa isang 40% GMA at 60% PNoy Alliance o Joint Administration.
Ang kanyang latest appointments ay magandang signos.
Sa tatlong GOCC na notorious sa pagiging pugad ng pagmamalabis, naglagay siya ng mahuhusay at malinis: Si Dean Cesar L. Villanueva at si Mayor Felipe Remollo sa Clark Development Corporation. Sa BCDA si Cong. Tong Payumo at sa SBMA, sina Roberto Garcia at Rafael Reyes. Ang bagong SEC Chairman na si Atty. Tess Herbosa ay isa pang outstanding choice. Pero ang suma total – kailangan pa ring kumilos ng mas mabilis dahil habang tumatagal ay nauubos ang panahon upang maumpisahan ang reporma.
Sa isang buwan ay mag-iisang taon nang nanalo sa halalan si P-Noy. Meron sana siyang anim na taon para ayusin ang problemang iniwan ng sampung taong pamamalakad ni GMA.
Kung hindi pa rin kumilos, ang tinitingnan na niya’y isang 11 year problem. At imbes na maging solusyon, dahil sa kupad ng pagkilos, ngayo’y kasama na rin siya sa mismong problema.