NOONG Lunes Santo pa nagsimulang dumagsa sa mga bus terminal, pier at airport ang mga magma-mahal na araw sa probinsiya. Kahapon ay nag-aagawan na ang mga pasahero sa bus stations sa Cubao. Maski sa North Harbor at sa Batangas pier ay dagsa na ang mga pasahero. Ngayong araw na ito ay inaasahang dadagsa pa ang mga bibiyahe sa kani-kanilang probinsiya.
Sa mga ganitong panahon nararapat maging todo-alerto ang Philippine National Police at Philip pine Coast Guard at iba pang ahensiya para magbigay ng seguridad sa mga pasahero. Maaaring samantalahin ng mga terorista ang pagkakataon upang makapaghasik sila ng lagim. Hinihintay nila ang ganitong pagkakataon upang makapaminsala. At kadalasang ang mga inosenteng mamamayan ang napapahamak. Ang masayang pagbibiyahe ay nauuwi sa isang malagim na trahedya. Kung ang mga bus, ferry at iba pang sasakyan ay natataniman ng bomba sa mga karaniwang araw, ano pa sa ganitong okasyon na dagsa ang mga tao?
Kagaya nang bombahin ang Super Ferry 14 noong Pebrero 27, 2004 na ikinamatay ng 116 katao. Patungong Cagayan de Oro ang barko. Isang oras pa lamang nakaaalis sa North Harbor ang ferry nang sumabog. Mga teroristang Abu Sayyaf ang may kagagawan sa pagsabog. Umano’y inilagay sa isang television set ang pampasabog.
Ang nangyaring iyon ay maaaring maulit muli ngayon kung hindi magiging maigting ang PNP at PCG sa pagsecure sa mga pasahero. Doble ang nararapat gawing pagrekisa sa mga bagahe. Dagdagan ang mga personnel para ganap na mainspeksiyon ang mga dala-dalahan. Ganyan din naman ang gawing pag-iinspeksiyon sa mga bus at baka may mag-iwan ng bomba. Sino ang makakalimot sa Feb. 14, 2008 bombing sa Makati City kung saan apat na pasahero ang namatay.
Dapat din namang maging mapagmasid at mapag-obserba ang mga pasahero. Ireport ang mga taong may kahina-hinalang kilos at ganundin sa mga bagay na basta na lamang iniiwan lalo sa mga bus. Hindi na dapat maulit ang mga karumal-dumal na pangyayari na ang mga inosenteng mamamayan ang nagbubuwis ng buhay.